Talinghaga
Ang talinghaga ay isang mahalagang sangkap ng katutubo at ng modernong pagtula. Karaniwan, ang sangkap na ito ay iniuugnay sa bahaging mahirap maunawaan sa isang tula. Itinuturing itong pinakamahalagang sangkap ng tula at siyang buod ng pagtula.
Sa matandang diksiyonaryo nina Noceda at Sanlucar, ibinigay ang dalawang kahulugan ng talinghaga: “misterio: metafora” at “tayutay.” Sa unang pakahulugan, ang talinghaga ang itinuturing na salik na nagbibigay ng hiwaga at palaisipan sa tula. Sa pangalawang pakahulugan naman, iniuugnay ang talinghaga sa “bulaklak ng dila” at “paglalaro ng salita.”
Ayon kay Virgilio S. Almario na siyáng sumulat ng mahabang pag-aaral tungkol sa paksa, ang talinghaga ang utak ng paglikha at disiplinang gumagabay sa haraya at sa pagpili ng salita. May panloob at panlabas na puwersang pumapanday sa talinghaga.
Ibig sabihin nito, kailangan muna ang isang pangyayari na labas sa katauhan ng tao (bagaman maaari ring kaugnay ito ng katauhan niya), at pagkatapos, kailangang hubugin ang karanasang ito ng haraya o anumang panloob na lakas ng makata para maipahayag ang isang bago at pinaigting na anyo ng karanasan.
Ang salita mismo ay maituturing na bunga ng pananalinghaga. Ang salita ay nagiging sagisag ng natutuklasang katotohanan tungkol sa kaniyang karanasan. Halimbawa, ang salitang “nalagutan ng hininga” ay kapuwa naglalarawan sa kamatayan at nag-uugnay sa hininga at buhay ng tao.
Ang salitang “lalawigan,” na itinutumbas ngayon sa probinsiya, ay may dating kahulugang pook na walang panganib o taguan. Kung gayon, ang gamit ng salitâng lalawigan ngayon ay nagiging angkop na pagturing sa isang pook na itinuturing na pahingahan at pinagmumulan ng kapanatagan at kalusugan.
Ang patalinghagang gamit ng mga salita ang siyang diwa ng pagtula. Sa pamamagitan ng talinghaga, pinaiigting sa tula ang natatanging gamit ng wika. Ang makata ay gumagamit ng nakasanayan at lumilikha ng bagong talinghaga upang ipahayag ang kabatirang natuklasan niyá sa karanasang kaniyang itinutula.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Talinghaga "