Ano ang daman?


Ang daman ay isang payo o talumpating patula ng mga Tausug na karaniwang ginagamit sa panliligaw at bilang bahagi ng ritwal ng kasal. Sinauna ang uri ng wikang ginagamit sa daman kaya hindi na ganap na naiintindihan sa kasalukuyan.


Karaniwan ding naglalaman ng mga salawikain o masaalla ang daman. Sa pamamagitan ng daman, naipapahayag ng manliligaw ang kaniyang damdamin sa isang magalang at matalinghagang paraan. Madalas ding may palitang nagaganap sa panig ng mga nagliligawan at sa panig ng mga kasapi ng pamilya nila.


Halimbawa, maaaring magpahayag ng daman ang isang binatang umaaligid sa bahay ng nililigawan. Sasalubungin siyá ng ama ng nililigawan kaya kailangan niyang ipahayag sa pamamagitan ng tula ang kaniyang nararamdaman sa nililigawan. Habang tumutula ay maaaring lumabas ang dalaga upang makipaglitan sa kaniya ng matatamis na salita.


Halimbawa ng isang daman ang sumusunod:

Kaddim alua hi dua

Magsailu kita alua

Alua mumari kaku’!

Alua ku mattun kaymu,

Bang adlaw aku in ha atay mu

Bang dum aku in ha mata mu

Iya Mikail, iya Sarapil, iya Gibrail, iya Muhammad

Pasabisabilra niyu aku

Katua niyu kaku’ hi (ngan sin babae). Pukawa!

Barakat Laillahailqulla

Barakat duwa Muhammad Razurulla.

(Magkakabit ang ating mga kaluluwa.

Magpalitan tayo ng kaluluwa,

Mapupunta sa akin ang kaluluwa mo;

At ang sa akin ay pupunta sa iyo.

Sa araw, nasa puso mo ako.

Sa gabi, nasa mata mo ako.

O, Mikail, O Sarapil, O Gibrail, o Muhammad,

Inaaanyayahan ko kayong

Pumunta kay (pangalan ng babae). Gisingin siya!

Sa biyaya ng Maykapal!

Sa biyaya ni Muhammad!)


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: