Pangangaluluwa
Pangangaluluwa
Pananapatan sa bisperas ng Undas o Araw ng mga Patay ang pangángaluluwá. Kadalasang grupo ng mga batà o kayâ’y kabataan ang gumagawa nito. Tumatapat sila sa mga bahay, gaya ng ginagawa sa harana at karoling, at sa pamamagitan ng pag-awit ay nagkukunwari silang mga kaluluwang naligaw mula sa purgatoryo. Ang mga napupuntahang bahay ay inaasahang mag-aabuloy ng mga kakanin o kayâ’y maliit na halagang mabibitbit ng mga “kaluluwa” pabalik sa mundo ng mga patay.
Kakambal ng pangangaluluwa ang paniniwala sa pamahiing nabubuksan ang pintong naghihiwalay sa mundo ng mga buháy at mga patáy kapag sumasapit ang Todos los Santos. Ito ang dahilan kung bakit sinasabing nakababalik umano sa lupa ang kaluluwa ng mga yumao tuwing Araw ng mga Patay. Ang panandaliang pagbisita ng mga pumanaw ay sinasalubong sa pamamagitan ng pagluluto ng iba’t ibang uri ng kakaning gawa sa malagkit o kayâ’y mga lamang-ugat tulad ng kamote at ube. Itinuturing ang mga ito bilang átang o pagkaing handog para sa mga kaluluwa at espiritu. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang suman, biko, halaya, puto, at iba pa. Nagsisilbi umano itong pabáon sa mga naglalakbay na kaluluwang gutóm at sabík sa panalangin at pag-alaala.
Sinasalamin ng pangangaluluwa ang pananalig ng mga Filipinong mayroon pang búhay pagkatapos ng kasalukuyang pag-iral ng tao sa lupa. Naniniwala rin ang kalakhan na nananatiling magkaugnay ang búhay at ang kaluluwa ng mga pumanaw. Ang pangangaluluwa ay mistulang pagsasadula ng mga paniniwalang iyon: ang mga bahay na tinatapatan ang sumisimbolo sa mga táong buháy, samantalang kinakatawan naman ng mga nangangaluluwa ang mga yumaong nagkakaroon ng saglit na pagkakataóng bumalik sa lupa sa panahon ng Undas.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pangangaluluwa "