pasiyam

Isa sa mga nakaugaliang ritwal sa patay ng mga Kristiyanong Filipino, lalo na ng mga Katoliko, ang pasiyám. Ito ay ang paghahandog ng siyam na araw ng panalangin at nobena para sa kaluluwa ng yumao simula sa araw ng kaniyang pagkakalibing. Dito, sama-samang nagdarasal ang mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala ng namatay para sa payapa at tahimik na pagtawid ng espiritu nito sa kabilang-buhay.


Natatapos sa isang salusalo kasama ng mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala ng namatay ang huling gabi ng pasiyam. Ginagawa ito dahil may paniniwala ang mga Katolikong Filipino na sa ikasiyam na araw pa lamang nakatatawid patungo sa kabilâng mundo ang kaluluwa ng yumaong kaanak.


Sa Pilipinas, karaniwang hindi nagwawakas sa pasiyam bagkus ay tumatagal pa ng isang buong taón ang yugto ng pagluluksa ng mga naiwang kapamilya. Sa panahong ito, ang pamilya ng yumao ay hindi nagdaraos ng anumang personal, pampamilya, at pangkomunidad na pagdiriwang tulad ng kasal, binyag, kaarawan, at iba pa. Kadalasan din ay naglulunsad ng isa pang araw ng paggunita at pagdarasal para sa kaluluwa ng namatay 40 araw matapos ang kaniyang kamatayan, at gayundin sa unang anibersaryo ng pagkawala nito. Sa panahong ito pa lamang makapagbababâng-luksa ang mga kamag-anak ng pumanaw.


Sa literal na pagpapakahulugan, ang pasiyam o pagsisiyam ay pagsasagawa (ng isang bagay) sa loob ng siyam na araw.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: