Nobena
Mula sa Espanyol na novena o pagsisiyam, ang nobena ay isang panatang Kristiyano na kailangang gawin nang ulit-ulit sa loob ng siyam na araw.
Malimit na isinasagawa ito sa paraan ng pagrorosaryo, pag-eestasyon, o pagsisimba nang siyam na araw. Ang nobena ay isang sakripisyo para sa katuparan ng isang kahilingan o isang paraan ng pasasalamat sa tinamong magandang kapalaran. May nobena ng preparasyon, tulad ng Simbang Gabi na paghahanda sa Pasko.
Mula dito ang nobenaryo (may baryant na “lubináryo”) at tumutukoy naman sa siyam na araw na paghahanda para sa isang pista ng patron. Karaniwang ginagawa ang nobenaryo sa pamamagitan ng misa araw-araw. Sa ibang pook na mariwasa, nagdaraos ng mga programa’t paligsahan sa naturang siyam na araw upang magkaroon ng pinakamalaking pagtatapos sa kapistahan.
Bakit siyam na araw? Sinasabing mula ito sa Banal na Kasulatan, may impluwensiya ng kaugalian ng maririwasang Griyego-Romano na ipagluksa ang namatay nang siyam na araw bago magdiwang. Sinasabi rin sa Bagong Tipan na matapos mamatay si Kristo ay nagdasal si Maria at mga apostoles nang siyam na araw at nagtapos sa pagbaba ng Espiritu Santo. May pasiyam din ang mga Filipino pagkatapos ilibing ang patay. Sinauna ba ito o Kristiyano?
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Nobena "