pasko

Ang Pasko (mula sa Espanyol na pascua) ay isang mahalagang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesukristo tuwing ika-25 ng Disyembre. Pagmamahalan at pagbibigayan ang dalawa sa mahahalagang mensahe ng kapaskuhan sa Filipinas. Tinatawag din itong “pista ng mga batà” dahil tampok ang pagbibigay ng agináldo (aguinaldo) sa mga musmos, lalo na sa kamag-anak at inaanak.


Sinasabing pinamahabà at pinakamakulay ang Paskóng Filipino. Nagsisimula ito tuwing ika-16 ng Disyembre at nagtatapos sa unang Linggo ng Enero sa pinagdiriwang ng pagdalaw ng Tatlong Hari kay Hesus sa sabsaban. Ang hudyat ng pagsisimula ng kapaskuhan ay ang siyam na araw na Simbáng Gabí (o Misa de Gallo). Bukod sa panatang pagsisimba, kinagigiliwan ng mga deboto ang pagkain ng bibingká at púto bumbóng at paghigop ng salabát. Nakapahiyas din kahit sa mga dampa ang isang paról at nagdaragdag ng belén (imaheng nagtatanghal sa tagpo ng pagsilang ni Hesus sa isang sabsaban sa Bethlehem) sa mga altar.


Sapagkat pamana ng kolonyalismong Espanyol ang Kristiyanismo, nagmula sa mga Espanyol ang tradisyon ng parol, belen, aginaldo, at Misa de Gallo. Ngunit nadagdagan na ito ng konsepto ng Santa Claus at dekorasyong Christmas tree mula sa mga Amerikano. Gayunman, ang masaganang paghahandá ay maituturing na mula sa pasalámat, dahil nagkataón na ang pagdiriwang ng Pasko ay katapát ng panahon ng anihan sa Filipinas.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr