parol

Parol


Ang parol ay salitâng Espanyol mula sa faról na isang ilawan. Sa Pilipinas, tumutukoy ito sa isang uri ng palamuti, tradisyonal na hugis bituin ni David sa simbolong Hebrew, na sumasagisag sa malaking talà na tumanglaw sa kapanganakan ni Hesus. Ang bituin ng Betlehem ay gumabay din sa Tatlong Hari upang matagpuan ang sabsabang sinilangan ni Hesus. Bahagi ito ng tradisyon ng Pasko.


Isinasabit ang paról sa mga bintana ng bahay at sa mga poste sa kalsada bilang pagpapaalala sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko. Ang tradisyonal na paról ay yari sa patpat ng kawayan at binalutan ng makulay na papel dehapón. Nilalagyan ito ng ilaw sa loob at ng mga “buntot” sa dulo ng mga tulis ng bituin. Nitóng kamakailan, iniuso sa Pampanga ang mga higanteng paról na may de-koryenteng ilaw, metal ang tadyang, at kapís o salamin ang pambálot. Ang limang sinag ng bituin ay naging sapin-saping talulot ng bulaklak, bukod sa pangyayaring may gumagawa na ng iba’t ibang hugis at simbolo ng Pasko.


Sa Lungsod San Fernando, Pampanga ay may taunang “Giant Lantern Festival” at bumibida ang mga higanteng parol na may taas na 15 metro at ginagamitan ng hindi hihigit sa 16,000 na bombilya.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr