On
Masakit ba ang lalamunan? Inuubo? Ihahatol noon ng matatanda, uminom ng mainit na salabat.


Ang samyo lamang ng salabat ay nakapagpapagaan sa puso’t diwa, nakapagpapaginhawa sa maraming iniisip na suliranin. Gayunman, paborito itong inumin ng mga nagsisimbang gabi.


Pagkatapos ng misa, nagkukumpulan ang mga puyat na deboto sa mga ponda ng kakanin para kumagat ng bibingka o puto bumbong at lumagok ng mainit na salabat.


Ang salabat ay nilagang inumin tinimplahan ng luya.


Napakasimpleng gawin. Magsalang ng isang kaserolang tubig at hulugan ng mga piraso ng luya. Depende ang dami ng luya sa ninanais na “tapang” ng salabat o sa ninanais na epekto kung sadyang mabigat ang katawan.


Puwede ring pabanguhin sa tulong ng pandan. Bilang inuming pampasigla, maaari itong lagyan ng pampalasang mga piraso ng mansanas o kahel. Ang lalong pampalusog ay timplahan ito ng pulut-pukyutan sa halip na asukal.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: