On
Ano ang musikong bumbong?


Ang musiko o propesyonal na manunugtog ng instrumentong pangmusika ay kilalang grupo sa iba’t ibang Kristiyanong lugar sa kapuluan noong panahon ng Espanyol.


Sa katunayan, ang banda de metal (brass band) ay pinagkakapitaganang pag-aari ng ibang fraile. Sa pagtatangka ng mga katutubo na isa-Filipino ang mga institusyong pinamamahalaan ng mga mananakop, gaya ng simbahan, gobyerno, wika, at sarili, sinikap nilang bumuo ng isang grupong pangmusika na magpapakita ng husay ng mga katutubo sa pagtugtog.


Dito isinilang ang musikong bumbong na pinasimulan ng mga makabayang rebolusyonaryong Filipino noong siglo 19 sa pagsisimula ng labanang Filipino-Espanyol.


Sa pagtatatag ng musikong bumbong, sinikap na lumikha ng mga instrumentong yari sa pinakasaganang halaman na ginagamit na rin bilang instrumentong pangmusika bago pa man dumating ang mga Espanyol, ang kawayan.


Mula sa kawayan ay hinubog ang mga instrumentong katulad ng trumpeta, plawta at tambol. Maaaring hindi nito matutularan ang lakas at taginting ng tunog ng tunay na banda de metal, ngunit sa pagbuo ng musikong bumbong ay napatunayan ng mga Filipino ang kanilang pagkamalikhain sa pag-angkin ng konseptong kanluranin tungo sa makabayang layunin. Matingkad itong pinapatunayan ng kanilang pangunahing piyesa, ang martsang Veteranos de la revolucion.


Sinasabing ang mga miyembro ng St. Anthony Original Bamboo Band ng Tonsuya, Malabon ng Rizal ang ikaapat na henerasyon ng musikong Katipunero na nagtatag ng musikong bumbong noong 1896. Malayo man ang panahong pinagmulan, nabubuhay ang tradisyon dahil sa patuloy na pagsisikap ng mga musikong kaanak ng pasimuno ng pangkat.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickt


Mungkahing Basahin: