Ang mga instrumentong kawayan na marahil ang pinakamatanda sa mga uri ng instrumentong pangmusika na ginagamit pa hanggang ngayon.


Ang kawayan ay isa sa pinakasaganang halaman sa kapuluan at may iba’t ibang uri, kapal at laki ito na maaaring gamitin sa maraming pangangailangan. Isa sa mahahalagang gamit nito ay bilang kasangkapan sa artistikong ekspresyon at sa mga ritwal.


Ang mga instrumentong kawayan ay maaaring uriin ayon sa klasipikasyong Hornbostel-Sachs, mga instrumentong aerophone, idiophone, at cordophone.


Ang mga aerophone ay mga instrumentong tumutunog sa pamamagitan ng pag-ihip; ang mga idiophone ay mga instrumentong tumutunog mula sa taginting ng mismong kawayan; at ang mga cordophone ay mga instrumentong tumutunog sa pamamagitan ng paggalaw ng bagting.


Kabilang sa mga aerophone ang plawta na ginagamit ng mahigit 62 etnolingguwistikong grupo sa kapuluan. Ilang lokal na tawag sa plawta ay ang paldeng (Isneg, Apayao), siningyop (Bontok), taladi (Ibaloy), tulale (Aklanon), pundag at lantoy (Manobo), bunabon (Mamanwa), insi (Maranao), pulaw (Samal), dagoyong (Higa-onon), at iba pa.


Ang mga instrumentong idiophone ay kinabibilangan ng ubbeng (Kalinga), palipal (Ifugao), kopak-kopa (Yakan), abilao (Bontok), patanggu (Isneg), kagul (Maguindanaw at Maranaw), gambang (Samal), at iba pa.


At kabilang sa mga cordophone ang zither na may iba’t iba ring katutubong pangalan: kolitong (Bontok at Kalinga), padang (Bagobo), saluroy (Ata), s’ludoi (Tiboli), tangkew (Manobo Agusan), togo (Magindanaw), at iba pa.


Ang iba pang instrumentong yari sa kawayan ay Musikong Bumbong ng siglo 19. Ang angklung ay isang pangkat pangmusika na binubuo ng iba’t ibang sukat na mga instrumentong kawayan na inaalog at tumutunog ng tig-iisa lamang tono bawat instrumento.


Ang pinakasikat na instrumentong yari sa kawayan ay ang Las PiƱas Bamboo Organ na kilala sa buong mundo bilang pinakamatandang organo na ang malaking bahagi ay yari sa materyal na nabanggit.


Pinagmulan:  NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: