Ang gabbang (gá-bang) ay siloponong blade o tekladong gawa sa kawayan.


Binubuo ito ng mga nakahanay na teklado ayon sa sukat, maliliit mula kaliwang bahagi at papalaki papunta sa kanang bahagi. Nakapatong ang mga ito sa isang rektanggulong kuwadro na gawa sa kahoy.


Tinutugtog ito sa pamamagitan ng pagpalo ng dalawang patpat na yari sa kahoy. Ang bilang ng teklado ay sang-ayon sa nakagawiang tradisyon ng etnolingguwistikong grupo na tumutugtog nito: mula 3-9 para sa Yakan, 14-24 sa Tausug, at 17 naman para sa Palawan.


Ang kaayusan ng tono ng mga teklado ay nakabatay sa eskalang septatonic o pitong tono. Ginagamit ang gabbang bilang panimulang musika sa awitan kung ito ay tinutugtog nang walang kasaliw.


Sa Tausug, ang gabbang ay tinutugtog ng kababaihan bilang saliw sa mga sekular na awit na tinatawag na liyangkit at sindil. Ito ay ginagawa bilang libangan sa kasalan at pagdiriwang ng anibersaryo. Ang melodiya ay nahahati sa ina (mataas na tono) at anak (mababang tono). Mahalaga itong kasaliw ng biyola.


Ang Yakan ay may maliit na bersiyon ng gabbang. Mayroon lamang itong limang teklado na maaaring tugtugin ng isa (ngwintang) o dalawang tao (neruwe o kajali). Kung dalawa ang tumutugtog dito, ang isa ay tumutugtog ng kombinasyon ng mga tono sa tatlong teklado; ang isa naman ay bumubuo ng regular na ritmo sa natitirang dalawa pang teklado.


Mga lalaki rin ang tumutugtog ng gabbang ng Samal bilang saliw sa mga awit na may temang pag-ibig.


Ang gabbang ng Magindanaw, tamlang, ay gumagamit ng mas makapal na kawayan para sa teklado at nakapatong ang mga ito sa mas mabigat na kuwadro. Ginagamit itong sanayan sa pagtugtog ng kulintang ng mga bata at matanda. Ang iba pang pangalan ng gabbang ay agung gabbang ng Yakan, gambang ng Samal, kwintangan batakan ng Yakan, at tamlang ng Magindanaw.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: