May dalawang gamit ang sukat ngayon.

  1. Una, sa pag-aaral ng tradisyonal na tula, at 
  2. ikalawa, sa matematika.


Sa panulaang Filipino, may katutubong konsepto ng sukat (metro sa Espanyol at meter sa Ingles) at tumutukoy ito sa bilang ng pantig na kailangan sa pagbuo ng isang pares ng taludtod.


Ang bilang ng pantig ang tawag sa sukat, halimbawa, lilimahin, sasampuin, lalabintatluhin. May ulat na karaniwang pipituhin o wawaluhin ang sukat ng tulang Tagalog at mapapansing laganap ang sukat na ito sa ibang tula sa katutubong wika. Gayunman, may iba pang súkat. Pinakamaikli ang aapatin sa salawikaing:


Kung di ukol


Di bubukol.


Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, ipinasok ng mga makatang misyonero ang mga sukat na lalabindalawahin, lalabintatluhin, at lalabing-apatin sa pagsulat ng komedya.


Bago magtapos ang ika-18 siglo, tinanggap ng mga makata ang lalabindalawahin. Ito ang ginamit sa pagsulat ng mahabang tulang pasalaysay na awit, gaya ng Florante at Laura ni Balagtas, at naging naturalisadong popular na sukat ng pagtula sa ika-19 siglo.


Sa ika-20 siglo, nag-ekperimento ang mga makata sa iba’t ibang sukat at tugma at maging sa iba’t ibang kailanan ng sukat at tugma sa loob ng isang saknong.


Sa matematika, ang sukat ay tumutukoy sa mga paraan ng pag-alam sa haba ng isang bagay. Noong araw, ginagamit ang mga bahagi ng katawan sa pagsukat, gaya ng dalì na kasinghaba ng daliri (bagaman itinatapat itong sinonimo ngayon sa pulgada o inch), dangkal, dipa, at hakbáng.


Ginagamit ang mga ito noon sa pagsukat ng lawak ng lupa, kailangang tela sa paggawa ng damit, kapal ng balumbon ng tabako, o taas ng lambanog sa baso.


May patunay namang nagmula rin sa ganito ang mga pandaigdigang pansukat ngayon sa loob ng sistemang métro at sistemang piye.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: