On
Ang kulintang ay grupo ng walong nakahanay at magkakaibang sukat na gong na nakapatong sa pahabang kuwadro. Nakatono ang mga ito sa eskalang pentatonic o limang tono.


Ang musika ng kulintang ay nakabatay sa tatlong uri ng ritmo: duyug, sinulog, at tidtu.


Ang duyug ay ritmong ginagamit sa pagtugtog sa kasal, libangan, at pista. Ang sinulog ay may mas mabagal na ritmo kompara sa duyug. Ang tidtu naman ay binubuo ng di-pantay na kombinasyon ng ritmo, 2:3, at sa ritmong ito makikita ang husay ng manunugtog ng kulintang. Ang sinulog at tidtu ay ginagamit din sa pagtugtog sa paglilibang, sa kasalan, at iba pang mga pagdiriwang.


Kulintang din ang tawag sa isang pangkat ng instrumentong pangmusika na binubuo ng kulintang, kasama ng bebendil (gong na may papaloob na tagiliran), agung (isang pares ng gong na may malapad na papaloob na tagiliran), gandingan (isang pares ng gong na may makitid na tagiliran), at debakan (tambol).


Ang pangalan ng kulintang bilang pangkat ng instrumentong pangmusika sa Magindanaw ay basalen o palabunibunyan. Kilala rin ang kulintang sa tawag na k’lintan, kulintangan, at kwintangan.


Ang tradisyon ng pagtugtog ng kulintang sa Filipinas ay nakasentro sa Mindanao at bahagi ng kultura ng mga Subanon, Maranaw, Jama Mapun, Magindanaw, Tausug, Yakan, Sama, Bilaan, Tiboli, Ata, at Bagobo. Ngunit sinasabing ang tradisyon ng kulintang ay bunga lamang ng kontak ng nasabing mga grupo sa Borneo, Moluccas, at iba pang mga islang karatig ng Mindanao.


Noong bandang 1667, nagkomentaryo si Padre Francisco Combes tungkol sa gamit ng kulintang at iba pang instrumento. Aniya, “nang pumuwesto na ang mga babaylan sa altar na may sakripisyo ay nagsimula na silang sumayaw sa musika ng kulintangan, ang iba sa kanila ay tumutugtog sa guimbaw at agung. Umiikot sila sa altar, nanginginig at dumidighay habang umaawit ng miminsod, at hinihimatay.”


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: