Ano ang sulibaw?
Ang terminong ito ay kombinasyon ng dalawang konsepto, ang suli (ang idea ng paulit-ulit) at baw (ang onomatopeikong tunog ng tambol).
Bilang pangkat pangmusika, ang sulibaw ay binubuo ng dalawang patag na gong, dalawang tambol, at isang pares ng barang bakal. Ang kombinasyong ito ay pawang naiiba sa mga nakagawian ng mga taga-Cordillera. Ang isa sa dalawang gong ay tinatawag na pinsak, na ginagamit sa pagtugtog ng paulit-ulit na prase ng ritmo, at ang ikalawa naman ay ang kalsa, na siyá namang instrumento sa pagtugtog ng improbisasyon.
Gamit ang istik, pinapalo sa loob na bahagi ang pinsak at kalsa, habang hawak sa kaliwang kamay ng mga musiko ang gong. Ang pangunahing tambol, sulibaw, at ikalawang tambol, kimbal, ay ginagamit sa pagtugtog ng paulit-ulit na padron ng ritmo. Ang sulibaw ay may tonong mas mataas nang kaunti kaysa sa kimbal at tinutugtugan ito sa pamamagitan ng mabilis na pagpalo ng dalawang kamay.
Ang mga tambol na ito ay kakaiba kompara sa iba pang tambol na matatagpuan sa bansa, balingkinitan, hugis balisuso, may taas na 70 sentimetro at may lapad na 10 sentimetro ang ibabaw. Ang pares naman ng barang bakal ay tinatawag na palas na tinutugtugan ng paulit-ulit na padron ng ritmo na naiiba sa pinsak.
Tinutugtog ang sulibaw sa mga pagdiriwang ng peshit na idinaraos ng mga mayaman sa komunidad. Sinasaliwan ito ng sayaw sa pangunguna ng mga bantog na Ibaloi. Ang bilang ng lambong na nakasabit sa kanilang balikat sa pagsasayaw sa peshit ay simbolo ng kanilang mataas na estado sa lipunan. Sa ritwal na ito, pinangungunahan ng musikong may hawak ng kalsa ang pagbuo ng pabilog na linyang umiikot nang pakanan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang sulibaw? "