Ang singkil ay isa sa pinakapopular na sayaw na nagmula sa katimugan ng Pilipinas. Ang pangalang singkil ay galing sa kadenang suot sa bukong-bukong ng mga taga-Mindanao na may gayon ding katawagan.


May tatlong pangunahing mananayaw dito na gumaganap bilang prinsesa (Gandingan), prinsipe (Darangan), at babaeng nagsisilbing tagapayong ng prinsesa.


Hawak ng prinsesa ang pamaypay at makukulay na panyong gawa sa sutla. Ang malikhaing galaw at maneobra ng mga ito sa kamay ng prinsesa at ang mahusay na pag-iwas niya sa nagpipingkiang kawayan ang tampok ng sayaw.


Katulad ng iba pang mga sayaw na Magindanaw, hindi magkaparehang sumasayaw ang babae’t lalaking mananayaw ng singkil. Karaniwan itong sinasaliwan ng kulintangan o grupong pangmusika ng mga gong.


Hango sa epikong-bayan na Darangan ang naratibo ng sayaw na singkil.


Sa epiko, kinuha ng mga diwata si Prisesa Gandingan at dinala ito sa isang gubat. Dito, dumaraan si Prinsipe Darangan upang maghanap ng mapupusuang prinsesa. Lilindol sa loob ng gubat, at magbubungguan ang mga puno at bato na isinasalarawan ng pingkian ng mga kawayan sa sayaw. Kaakit-akit at mahinhin ang pag-iwas sa mga ito ni Prinsesa Gandingan, at sa pagkakataóng ito’y makikita siyá ng Prinsipe na siyá namang susunod sa mga hakbang ng pag-iwas sa mga punò at bato.


Ang sayaw ay ginagawa sa gitna ng isang magkahanay na pares ng kawayan na may nakapatong na isa pang magkakrus na pares ng kawayan. Ang ritmo ng pingkian ay regular kompara sa ritmo ng tinikling na isa ring sayaw sa kawayan na pabilis naman nang pabilis.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: