Isang katutubong sayaw mula sa Abra ang sakuting.


Orihinal na sayaw ito ng kalalakihan at nagtatanghal ng kunwa-kunwariang labanan ng mga Kristiyano at di-binyagan na gumagamit ng sandatang patpat. Tradisyonal na ginagawa ito kapag Pasko sa plasa o kaya inililibot sa mga bahay sa poblasyon. Tumatanggap ng aginaldong salapi o pagkain ang mga mananayaw.


Sinasabing pinasimulan ng mga misyonero ang sayaw upang ipakita ang hirap ng pakikidigma laban sa mga tribung di-binyagan. Maaaring hinugot ang sayaw sa batalya ng komedya. Ngunit may palagay na higit itong sinauna dahil sa kilos na gumagamit ng kilos sa arnis at dahil sa musikang may palatandaan ng impluwensiyang Tsino.


Ang patpat na may habang mahigit isang piye at lumiliit na parang kandila sa bandang hawakan ay nahahawig sa sandata ng manlalaro ng arnis. Itinatagis ng bawat mananayaw ang kaniyang patpat sa patpat ng kaharap na mananayaw o kaya’y inihahampas sa sahig. Lumilikha ito ng mabilis na ritmong nagpapahiwatig ng musikang Tsino. Sa mga pagtatanghal ngayon, ang sakuting ay sinasaliwan ng isang rondalya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: