On
Ang salapi (o pera mula sa Espanyol) ay ang midyum o instrumento ng palitan na tinatanggap ng lahat ng tao.


Nagbibigay daan ang salapi upang malaman ang tunay na halaga ng isang presyo o produkto na batayan ng palitan. Ito ang ginagamit upang makabili ng mga produkto at serbisyo.


Ito ay nasa anyo ng sensilyo o barya, perang papel, bonds, at utang. Nagpapanatili ito ng halaga ng bagay o serbisyong nauugnay o nailaan para dito.


Ang halaga ng pera ay maaaring tumataas (implasyon) at bumababa (depresyon). Ang ating mga ninuno ay gumagamit na ng salapi sa anyo ng produkto, metal, at alahas sa pakikipagpalitan bago pa dumating ang mga mananakop.


Ang unang baryang natuklasan sa Filipinas ni Dr. Gilbert Perez ay ang tinatawag na penniform gold barter ring. Ito ay maliit na hugis singsing na gawa sa ginto, halos may sukat lamang ito na kalahating pulgada at isa sa mga sinaunang salapi sa bansa.


Tinatayang ginamit itong pamalit kalakal noong ika-8 hanggang ika-14 na siglo. Ang natagpuang mga piraso nito sa bansa ay nagkakaiba-iba sa laki at kapal, bukod sa maaari rin itong ginamit bilang palamuting hikaw ng ating mga ninuno. Natagpuan sa Cebu at Leyte ang mas malalaking tipo ng gintong singsing na ito at ang karamihan ay sa Laguna at Rizal.


Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, dahil sa kakulangan ng barya sa sirkulasyon, inilabas noong 1728 ang barílya (barilla), ang unang barya na ginawa sa ating bansa at may halagang isang sentimo.


Nagkaroon ng mga baryang síngko para sa limang sentimo, diyes para sa sampung sentimo, beynte-singko para sa dalawampu’t limang sentimo, at singkuwenta para sa limampung sentimo.


Ang unang gamit ng salapì ay para sa baryang may halagang limampung sentimo o kalahating piso. Ang El Banco Espanol-Filipino de Isabella II ang kauna-unahang bangko sa Filipinas na nagpalabas ng unang salaping papel at tinawag itong pesos fuertes, na may kahulugang malakas na piso.


Noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, naranasan ng bansa ng pinakamataas na implasyon dahil sa pagpapalabas ng napakaraming salapi sa sirkulasyon, kaya nawalan ng halaga ang salapi. Itinuring itong laruang salapi at tinaguriang mickey mouse money.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: