Layon ng Filipino First Policy (Fi•li•pí•no First Pá•li•sí) o “Patakarang Filipino Muna” na itaguyod ang mga negosyo at produktong Filipino upang tangkilikin ito sa bansa at bawasan ang lubhang pagsandal ng Filipinas sa produkto at ekonomiya ng ibang bansa bukod sa bawasan ang kontrol ng mga banyaga sa pambansang ekonomiya.


Sa pamamagitan ng Resolution No. 204 ng National Economic Council, ang tagapagpayo sa Pangulo hinggil sa mga planong pang-ekonomiya para sa bansa, nailatag ang patakarang Filipino First noong Agosto 1958. Ito ang naging islogan ng administrasyon ni Carlos P. Garcia.


Mula noong 1946, nang ibigay ng Estados Unidos sa Filipinas ang kasarinlan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagsimulang gumawa ang pamahalaan ng mga hakbang para sa isang pambansang patakarang pangekonomiya para sa benepisyo ng mga Filipino.


Binigyan ng Filipino First ng pagkakataon ang mga negosyanteng Filipino na manguna sa pakikilahok sa pambansa at internasyonal na ekonomiya. Binigyan ng tampok na halaga ang mga negosyanteng Filipino at ang mga negosyong pagmamay-ari ng hindi bababa sa 60% na Filipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pampananalapi at oportunidad sa pagpapaunlad.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: