On
Ang tinikling ay isa sa pinakakilalang katutubong sayaw ng Pilipinas. Nagmula ang sayaw sa Leyte.


Mabilis at nasa batayang kompas na ¾ ang musika nito. Ang maingat na pag-iwas ng babae’t lalaking mananayaw sa nagpipingkiang kawayan ay halaw sa masigla ngunit mahinhing pag-iwas ng ibong tikling sa patibong na inilalatag ng mga magsasaka sa kanilang palayan.


Ang tikling (gallirallus torquatus), bagama’t inspirasyon sa sayaw na ito, ay isang pesteng kumakain ng mga hinog na palay sa mga taniman. Ang mga patibong ay may dalawang silbi, panghuli sa tikling upang gawing ulam at pampigil sa mapanirang pagkain ng tikling sa palay na malapit nang anihin. Sa sayaw, ang mga mananayaw ang tikling at ang mga nag-uumpugang kawayan ay kumakatawan sa mga patibong.


Sadyang maaaring makasakit ang sayaw kapag naipit ang paa ng mga mananayaw na babagal-bagal tumalon bilang pag-iwas sa patibong. Ang ritmo ng sayaw ay bumibilis habang bumibilis din ang pingkian ng mga kawayan. Kailangan ng lakas ng loob at konsentrasyon ng sino mang susubok sumayaw nito.


Balintawak at patadyong ang karaniwang suot ng kababaihan sa pagsayaw ng tinikling. Barong tagalog naman at isang uri ng kulay pulang pantalon ang suot ng kalalakihan. Nakapaang sinasayaw ang tinikling. Karaniwang rondalya ang sumasaliw sa sayaw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: