Ang Balintawak ay isang makasaysayang pook na ngayon ay nasa Lungsod Quezon. Dito (o sa kalapit na Pugadlawin) ginanap ang simula ng Himagsikang Filipino laban sa kolonyalismong Espanyol.


Noong 1908 at simulan ang paggunita sa Himagsikang 1896, ipinagdiriwang ang ”Unang Sigaw” sa Balintawak ng mga beterano ng rebolusyon.


Sa katunayan, dito itinayo ang bantayog para sa Unang Sigaw noong 1911. May ulat din na unang inisip na pangalanang Lungsod Balintawak ang binubuong bagong kapitolyo ng Filipinas bago ito ipinangalan kay Pangulong Manuel L. Quezon.


Nagbago ito nang higit na sundin ang saliksik ng historyador na si Teodoro A. Agoncillo na sa Pugadlawin at hindi sa Balintawak naganap ang pasiya ng mga Katipunero na maghimagsik.


Ang malungkot pa, tinamaan ng ipinatayong cloverleaf ang bantayog sa Balintawak kaya inalis ito at inilipat sa harap ng Bulwagang Vinzons sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Mabuti’t isang bagong bantayog ang ipinalit bagaman hindi nitó makuha ang katampatang paggalang na iniukol sa unang bantayog.


Ang ”balintawak” ay sinasabing mula sa tao na ”tawák” o may kapangyarihang magpaamo ng ahas. Naging pangalan din ito ng isang popular na kasuotang pambabae noong ika-20 siglo.


Isa ito sa mga munting bayan, kasama ang San Francisco del Monte at Novaliches, na ipinaloob sa binuong Lungsod Quezon. May cloverleaf dito na dulong timog ng North Expressway at krus-na-daan ng EDSA. Isa din itong himpilan ng LRT.


Pinagmulan: NCCA Official:


Mungkahing Basahin: