Teodoro Agoncillo
Pambansang Alagad ng Agham, si Teodoro A. Agoncillo (Tyo·dó·ro A·gon·síl·yo) ang kinikilálang ama ng makabansang pananaw sa pagsulat ng kasaysayan. Iginiit niyá na dapat sulatin ang kasaysayan ng Pilipinas ng isang Filipino at sa pananaw na Filipino at ipinakita ito sa kaniyang mga aklat, upang matigil ang lubhang pananalig noon sa historyang likha ng mga dayuhan.
Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist), postumo, noong 11 Hulyo 1985.
Si Agoncillo ang pangunahing may-akda ng History of the Filipino People. Ito ay naging pamantayang sanggunian sa pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas. Bahagi ng kaniyang umaabot sa 22 aklat ang Filipino Nationalism 1872-1971, Malolos: The Crisis of the Republic, The Fateful Years: Japan’s Misadventure in the Philippines, at The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration, na kinikilala ngayon bilang mga saligang babasahin upang maunawaan ang naratibo ng bansang Pilipinas sa modernong panahon.
Ang librong The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan ang itinuturing na pinakamahalagang akda ni Agoncillo sa larangan ng makabayang historyograpiya. Umani ito ng maraming papuri ngunit binatikos ng mga konserbatibong historyador ang kaniyang makabayan at radikal na naratibo ng kasaysayan.
Dahil sa mga kontrobersiya, ipinatigil ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1948 ang pagpapalimbag sa aklat. Nalathala lamang ito noong Pebrero 1956. Nagkamit si Teodoro Agoncillo ng mga parangal, at tampok sa mga ito ang Republic Cultural Award (1967), UNESCO Prize for Best Essay (1969), at ang Diwa ng Lahi (1982), ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng Lungsod ng Maynila.
Ipinanganak si Agoncillo noong 9 Nobyembre 1912 sa Lemery, Batangas.
Nagtapos siya ng batsilyer sa pilosopiya (1934) at masterado sa sining (1935) sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagsimula siyang makilala bilang makata at kritiko sa panitikan, naging pundador na kasapi ng Kapisanang Panitikan, ngunit higit na natuon ang isip sa kasaysayan nang magturo sa UP. Naging punò siyá ng Kagawaran ng Kasaysayan sa UP at naging University Professor, pinakamataas na ranggong akademinko sa UP.
Namatay siya sa sakít noong 14 Enero 1985.
Ngayong araw, Nobyembre 9, ang ika-109 taong kaarawan ng isa sa mga prominenteng historyador sa Pilipinas, si Teodoro Andal Agoncillo. Ipinanganak si Teodoro Agoncillo sa Lemery, Batangas noong 1912, at anak nina Pedro Agoncillo at Feliza Andal. Kaanak ni Agoncillo ang unang Pilipinong diplomat na si Felipe Agoncillo.
Nagtapos sa kursong Philosophy si Agoncillo sa UP Manila campus, at nakakuha ng Master’s degree sa parehong kurso sa parehong unibersidad. Nagtrabaho si Agoncillo bilang linguistic assistant sa Institute of National Language, at naging instructor sa Far Eastern University at sa Manuel L. Quezon University.
Nakilala si Teodoro Agoncillo bilang isang historyador na nagsalaysay ang kasaysayan ng ating bansa ayon sa nasyonalistang perspektibo, gaya rin ng kapwa-historyador na si Renato Constantino. Taong 1956 nang inilathala ni Agoncillo ang “Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan” kung saan idinetalye ni Agoncillo ang kasaysayan ng pakikibaka ng ating bansa sa panahon ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas, na pinangunahan ng Kilusang Katipunan ni Andres Bonifacio.
Taong 1958 nang naimbitahan si Agoncillo na mapabilang sa Department of History ng University of the Philippines Manila campus. Doon, naglingkod siya bilang faculty, at naging hepe pa ng nasabing Department sa UP mula 1963 hanggang 1969, hanggang nagretiro noong 1977. Nagturo rin ng kasaysayan ng Pilipinas si Agoncillo sa International Christian University sa Tokyo, Japan mula 1977 hanggang 1978. Taong 1963, habang hepe ng Department of History sa UP Manila, nagsilbi si Agoncillo bilang pinuno ng National Historical Institute (NHI).
Taong 1985 nang ginawaran si Agoncillo bg Order of National Scientists Award ni dating Pangulong Ferdinand Marcos para sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagpapayabong ng ating pambansang kasaysayan. Siya rin ang isa sa mga propesor sa University of the Philippines Diliman Campus na binigyan ng ranggong University Professor, dahil sa kanyang husay sa mga larangan ng Arts and Humanities, Social Sciences, at Science and Technology.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Teodoro Agoncillo "