Gawad Pambansang Alagad ng Agham
Ipinagkakaloob ang karangalang ito sa isang dalubhasang Filipino na nagpakita ng katangi-tanging husay at nagbigay ng makabuluhang ambag sa larangan ng matematika, pisikal na agham, inhenyeriya, biyolohiya, agham pang-agrikultura, agham panlipunan, o agham pangkalusugan.
Ang pangkalahatang kapulungan ng National Academy of Science and Technology (NAST), na binubuo ng mga Pambansang Siyentista at Akademisyan, ang may katungkulang magrekomenda sa Pangulo ng Pilipinas ng di-hihigit sa 10 indibidwal na karapat-dapat kilalanin bilang Pambansang Alagad ng Agham.
Upang maendoso sa Pangulo, ang isang nominado ay kailangang makakuha ng 60 porsiyentong boto ng buong kapulungan ng Pambansang Akademya. Pormal na ipagkakaloob sa isang nominado ang Gawad matapos pagtibayin ng Pangulo ang proklamasyon ng paghirang at pagkilala.
Ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham ay pinagtibay sa bisa ng Presidential Decree 1003-A (Creating the National Academy of Science and Technology) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 16 Disyembre 1976.
Sa bisa ng Executive Order No. 236 (Establishing the Honors Code of the Philippines to Create an Order of Precedence of Honors Conferred and for Other Purposes) na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 19 Setyembre 2003, ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham ay binigyan ng halaga at prestihiyong katulad ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) at Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA).
Ang mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Agham ay nakatatanggap ng gantimpalang pinansiyal, medalyon, at parangal.
Pinagkakalooban siya ng mga prebilihiyong katulad sa tinatamasa ng Pambansang Alagad ng Sining. Kabilang sa mga prebilihiyong ito ang buwanang pensiyon mula sa gobyerno, benepisyong medikal, tulong pangkalusugan, at iba pang benepisyong maaaring itakda.
Binibigyan din siya ng kaukulang karangalan at pagkilala sa mga mahalagang pagtitipong pang-estado. Ang mga yumaong Pambansang Alagad ng Agham ay pinararangalan ng estado sa pamamagitan ng isang opisyal na libing. Mula 1978 hanggang 2011, mayroon nang 37 Pambansang Alagad ng Agham sa Pilipinas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gawad Pambansang Alagad ng Agham "