Kilala si Juan S. Salcedo Jr. (Hu·wán Es. Sal·sé·do) bilang taliba ng pampublikong kalusugan at nutrisyon sa Pilipinas.


Ginugol niya ang malaking bahagi ng kaniyang buhay sa pananaliksik upang maitaas ang kalidad ng kalusugan ng mamamayan. Pinangunahan niya ang mga pambansang kampanya upang supilin ang paglaganap ng sakit na beriberi, malarya, at tuberkulosis.


Bilang pagkilala, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Hulyo 1978.


Si Salcedo ang namuno sa malawakang pagsasaliksik upang malipol ang sakit na beriberi sa Filipinas. Pinamunuan din niya ang isang pambansang pagkilos laban sa malarya. Sinimulan niya ito sa pagbabakuna sa mga bata at pagbuo ng mga pangkat na lilipol sa mga lamok na may dalang sakit.


Ang pagbubuo ng mga sentrong pangkalusugan sa kanayunan ang isa sa pinakamalaking ambag ni Salcedo sa pagpapaunlad ng pampublikong kalusugan. Bilang kalihim ng Departamento ng Kalusugan noong 1950, sinimulan niya ang pag-oorganisa ng tinatawag na Rural Health Unit.


Si Salcedo ay kilala rin bilang isang mahusay na administrador at guro. Mula 1945 hanggang 1947, naging direktor siya ng Philippine Relief and Rehabilitation Administration at kinatawan sa United Nations ng naturang ahensiya.


Siya ang unang direktor ng Institute of Nutrition na lumao’y naging Nutrition Foundation of the Philippines.


Noong 1950, itinalaga siya ni Pangulong Elpidio Quirino bilang kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan. Naging tagapangulo rin siya ng National Science Development Board noong 1963.


Isinilang si Salcedo noong 29 Setyembre 1904 sa Pasay, panganay na anak nina Juan Salcedo Sr. at Felipa Sanchez.


Nagtapos siya ng medisina sa Unibersidad ng Pilipinas at naging kapitan ng Medical Corps ng hukbong katihan ng Pilipinas. Nag-aaral siya sa Estados Unidos nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Natapos niya ang master sa Biochemistry sa Columbia University noong 1943 at nagpatuloy ng mataas na pagsasanay sa pampublikong kalusugan sa Johns Hopkins University.


Nakasama siya nina Heneral Douglas MacArthur at Pangulong Osmeña sa pagbalik sa Pilipinas noong Oktubre 1944.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: