Leon Kilat (Pantaleon Villegas)
Walang gaanong ulat hinggil sa kaniyang buhay. Pantaleon Villegas ang kaniyang tunay na pangalan ngunit binansagan siyang “Leon Kilat” (ibig sabihin ay “mabangis at mabilis” bilang leon at kidlat) dahil sa kaniyang katapangan.
Sinasabing may anting-anting siya kaya hindi maaaring mamatay sa labanan.
Isinilang siya sa isang angkang magsasaka noong 27 Hulyo 1873 sa Bacong, Negros Oriental kina Policarpio Villegas at Ursula Soldi.
Naging empleado siya ng isang botika sa Cebu bago mapabilang sa isang sirkus na pag-aari ng isang Katipunerong Tagalog. Hindi nagtagal ay napabilang na rin siya sa lihim na samahan.
Naging mahalaga ang kaniyang tungkulin sa paglusob ng mga manghihimagsik sa Lungsod Cebu noong Abril 1898. Noon pa mang Pebrero ng taong iyon ay nagtatag na ng kilusang rebolusyonaryo ang mga Sebwano kaugnay ng Himagsikang Filipino. Nag-umpisa ang pag-aalsa noong 1 Abril 1898, araw ng Biyernes, nang salakayin ng mga manghihimagsik ang garisong Espanyol sa bayan ng Talisay.
Pagdating ng Abril 3, araw ng Linggo at simula ng Mahal na Araw, nasa paligid na ng Lungsod Cebu ang mga manghihimagsik sa ilalim ng tinatawag nilang “Heneral Leon Kilat.”
Samantala, ang mga Espanyol sa ilalim ni Heneral Adolfo Montero ay nakahanda at nakahingi ng tulong sa Iloilo at Maynila.
Inihudyat ni Kilat ang paglusob sa hapon ng Abril 3. Bago dumilim ay napaatras nila ang mga Espanyol patungo sa kuta ng San Felipe.
Pagsapit ng Abril 6 ay unti-unti nang nakapasok ang mga manghihimagsik sa lungsod bagama’t naghihirap lusubin ang kuta.
Noong Abril 7 ay dumating ang mga bapor pandigma mula sa Iloilo at Maynila. Matapos ang madugong labanan, umurong ang hukbo ni Kilat. Nagtago ang mga rebolusyonaryo sa kabundukan at naglunsad ng kilusang gerilya hanggang sa dumating ang mga Amerikano sa pulo.
Namatay si Kilat noong 8 Abril 1898, araw ng Biyernes Santo, sa kamay ng isang nagtaksil na katuwang.
Noong 2008, isang panandang pangkasaysayan ang inialay sa kaniya sa kaniyang tinubuang bayan ng Bacong.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Leon Kilat (Pantaleon Villegas) "