Si Vicente Lukban (Vi•sén•te Luk•bán) ay isang pinuno ng hukbong Filipino sa Himagsikang Filipino at sa Digmaang Filipino-Amerikano.

Ibinintang sa kaniya ng mga Amerikanong mananakop ang Masaker sa Balangiga, ngunit pinabubulaanan ito ng maraming historyador sa kasalukuyan.


Pagkatapos ng pag-aaral at pagtatrabaho sa hudikatura, tumigil siya noong 1886 upang bunuin ang agrikultura at komersiyo sa Bikol.


Binuo niya ang La Cooperativa Popular na nagsulong ng negosyong kooperatiba para sa taumbayang may abang kabuhayan. Bahagi ng tubo ng kooperatiba ay palihim na ipinapadala sa Katipunan ni Andres Bonifacio, at malaki ang naging tulong ni Lukban para matupad ito.


Ginamit din ang kooperatiba upang ikalat ang mga mithiin ng himagsikan, sapagkat hindi naghihinala ang mga Espanyol sa mga kasapi ng kooperatiba.


Naging emisaryo din si Lukban ng yunit ng Katipunan sa Bikol. Dinakip siya ng mga guwardia sibil sa isa sa kaniyang mga lakad sa Maynila at ikinulong sa Bilibid.


Sumiklab ang Himagsikang 1896 habang nasa karsel si Lukban, at noong Agosto 1897, pinakawalan siya at kaagad umanib sa hukbong rebolusyonaryo.


Kinomisyon siyang opisyal sa hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo, at naging katuwang nito sa paggawa ng mga planong pandigma.


Pagkalagda ng Kasunduang Biyak-na-Bato, isinama siya ni Aguinaldo sa Hong Kong. Doon ay nag-aral siya ng agham militar sa ilalim ng isang pinunong Ingles.


Pagkapahayag ng kalayaan ng Pilipinas noong 1898, ipinadala siya sa Bikol upang pamunuan ang laban sa mga Espanyol.

Pagkatapos ay itinalaga siyang pinunong politiko-militar ng Leyte at Samar.


Noong 31 Disyembre 1899, ipinahayag niya ang sarili bilang bagong gobernador ng Samar sa ilalim ng Unang Republika ng Pilipinas.


Nakipaglaban sina Lukban sa hukbong Amerikano ngunit kinailangang umatras. Nang inalok ni Heneral Arthur MacArthur ng amnestiya kapalit ng pagsuko, tumanggi si Lukban.


Sumuko noong 1901 si Baldomero Aguinaldo, ang pinuno ng puwersang Filipino sa timog Luzon, ngunit ipinagpatuloy ni Lukban ang laban, at ang Samar ang naiwang isa sa mga natitirang palabang lalawigan.


Noong Nobyembre 1901, nadakip si Lukban at kaniyang mga opisyal nang nilusob ng mga Amerikano ang kanilang kampo. Nang sumapit ang panahon ng kapayapaan, pinalaya siya at noong 1912 ay nahalal bilang gobernador ng Tayabas.


Isinilang siya noong 11 Pebrero 1860 sa Labo, Camarines Norte kina Agustin Lukban at Andrea Rilles.


Nag-aral siyá sa Escuela Pia sa Lucban, Tayabas (Quezon ngayon) at ipinagpatuloy ito sa Ateneo Municipal de Manila. Kumuha siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas at Colegio de San Juan de Letran.


Nagkaroon siya ng apat na anak sa unang asawa na si Sofía Dízon Barba, na namatay pagkasilang sa hulí nilang anak, at walo sa ikalawang asawa na si Paciencia Gonzales.


Pumanaw siya noong 16 Nobyembre 1916 sa Maynila. Ipinangalan sa kaniya ang Kampo Lukban ng Hukbong Katihan ng Filipinas sa Lungsod Catbalogan sa Samar.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: