Sino si Fernando Canon?


Isang ilustradong may iba’t ibang talino, si Fernando Canon (Fer·nán·do Ká·non) ay isang manunulat, musiko, imbentor, at naging heneral ng hukbo sa Nueva Vizcaya sa ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino.


Isinilang siya noong 8 Agosto 1860 kina Fernando Canon at Blasa Aluma. Isa ring imbentor ang kaniyang ama. Kaeskuwela niya si Rizal sa Ateneo de Manila at karibal sa husay sa klase at karangalan sa pagsulat.


Nagtapos siya ng batsilyer nang may matataas na karangalan, nagpunta sa Espanya, at nag-aral ng medisina. Gayunman, sa ikalimang taon ay naghinto siya sa Universidad Central de Madrid at nagtuon sa inhenyeriya, musika, eskrima, at ahedres.


Eksperto siya sa paghawak ng espada at pistola. Sina Rizal at Antonio Luna lamang ang nakatatalo sa kaniya sa eskrima at pagbrail. Pero walang dumaig sa kaniya sa ahedres.


Nagwagi siya sa mga kampeonato sa ahedres sa Cataluña at maging sa unang chess tournament sa Maynila noong 1909. Siya ang unang pambansang kampeon ng ahedres sa Filipinas. Mahusay din siyáng tumugtog ng gitara, kudyapi, at ibang instrumento at kinikilála ni Rizal na mas magalíng siyáng makata.


Naging aktibo siya sa Kilusang Propaganda at namahala sa pagpupuslit ng mga kopya ng Noli me tangere na ipinadala sa kaniyang kasintahang si Teresita Batle, na naging asawa niya.


Ngunit higit na interesado si Fernando sa gawaing inhinyero. Isang imbensiyon niya ang baril na kalibre 12 sa loob ng isang kahang bakal na naititiklop at naibubulsa.


Pagbalik sa Filipinas, naging kinatawan siya sa Kongresong Malolos at hinirang na heneral sa puwersang inhenyeriya. Siya ang nag-instala ng koryente at telepono sa Malolos. Marami pa siyáng proyektong hindi natuloy dahil sa Digmaang Filipino-Amerikano.


Nagtayo siya ng mga tanggulan sa Bulacan, Nueva Ecija, Camarines, at Ilocos. Pagkuwan, naging heneral siyá ng hukbo sa Nueva Vizcaya.


Pagkatapos ng digmaan, kasama siyang nagtatag ng Liceo de Manila at nagturo ng electrodynamics. Pagkuwan, naglakbay siyá sa Europa at nagturo sa Barcelona.


Tulad ni Rizal, isa siyáng lingguwista at nakapagsasalitâ ng Espanyol, Ingles, French, German, at Italyano. Pagbalik sa Maynila, ibinuhos niya ang panahon sa pagsusulat at saliksik na siyentipiko.


Noong 1921, inilabas niya ang aklat ng mga tula, ang A la Laguna de Bay. Nagtagumpay din siyang makuhanan ng langis ang tangantangan.


Namatay siyang pobre noong 18 Hulyo 1938. Inalok siya ng Komonwelt ng pensiyon ngunit tinanggihan niya sa pagsasabing, “Lahat ng beterano ng Himagsikan ay dapat bigyan ng pensiyon, hindi ang iilan lamang.”


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: