Pagkatapos masunod ang lahat ng probisyong itinakda ng Batas Tydings-McDuffie, pinasinayaan ang Komonwelt ng Filipínas noong 15 Nobyembre 1935, ang pansamantalang pamahalaan ng Filipinas na hahawakan ng mga Filipino hanggang sa itinakdang pagbibigay ng ganap na kasarinlan.


Umupo si Manuel L. Quezon bilang pangulo at si Sergio Osmeña bilang pangalawang pangulo. Binibigyan ng nasabing batas ang Filipinas ng sampung taon simula 1935 hanggang 1945 upang maghanda sa pamamahala at pamamalakad ng sarili nitong gobyerno para sa napipintong pagbibigay ng kalayaan sa 1946.


Gayunman, sa loob ng panahong ito, ang ugnayang panlabas ng bansa ay pamamahalaan ng presidente ng Amerika sa pamamagitan ng kaniyang high commissioner. Itinatakda din sa nasabing batas ang pagrebisa ng gobyernong Amerikano at Komonwelt sa usapin ng independensiya pagkalipas ng tatlong taon matapos ang inagurasyon nito.


Maraming rekisitos ang kailangang tugunan sa pagtatayo ng nasabing Komonwelt. Una, kinakailangang maghalal ang mga Filipino ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal upang bumalangkas ng konstitusyon. Pagkapos, ipadadala ito sa presidente ng Amerika upang aprubahan.


Kaugnay nito, magkakaroon ng plebisito sa Filipinas upang magdesisyon ang mga Filipino kung tatanggapin o ibabasura ang nasabing konstitusyon. Anumang pagbabago dito ay dapat isangguni sa pangulo ng Amerika. Kung tatanggapin ito ng sambayanan, magkakaroon muli ng eleksiyon upang maghalal ng mga opisyal ng gobyernong Komonwelt.


Noong 10 Hunyo 1934 idinaos ang eleksiyon para sa mga delegado sa kumbensiyon. Makalipas halos ang isang taon ng pagbalangkas ng konstitusyon, inaprubahan ng humigit-kumulang na isang milyon at dalawang daang libong boto ng mga Filipino ang nasabing konstitusyon noong 14 Mayo 1935.


Makasaysayan din ang naturang plebisito dahil ito ang unang pagkakataon na bumoto ang kababaihan. Kasunod nito, idinaos ang halalan para sa mga opisyal ng Komonwelt noong Setyembre 17.


Tumakbo sa pagkapangulo sina Quezon, Emilio Aguinaldo, Gregorio Aglipay, at Pascual Racuyal samantalang sina Osmeña, Raymundo Melliza, at Norberto Nabong naman para sa pagkapangalawang pangulo.


Nanalo ng landslide sina Quezon at Osmeña na may mga botong 695,000 at 811,000. Noong Oktubre 12, niratipikahan ng Pambansang Asamblea ang resulta ng eleksiyon na nagtalaga kina Quezon at Osmeña bilang pangulo at pangalawang pangulo ng Komonwelt ng Filipinas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: