Manuel Bondoc Tinio
Si Manuel Bondoc Tinio (Man·wél Bón·dok Tín·yo) ay pinakabatang heneral ng Rebolusyonaryong Hukbong Filipino at namuno sa pagpapalaya sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon sa kamay ng mga Espanyol.
Isinilang siya noong 7 Hunyo 1877 sa Licab, Aliaga, Nueva Ecija kina Mariano Tinio at Silveria Misadsad Bundoc. May tatlo siyang babaeng kapatid. Ang angkan ng mga Tinio ay may dugong Tsino at isa sa mga mariwasang pamilya sa Gitnang Luzon.
Nagtapos siya ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran noong 1898. Nang taon din iyon, sumapi siya sa Katipunan. Sa gulang na 19 taon ay nahirang siyang heneral ng hukbong mapanghimagsik. Isa siya sa mga kasama ni Heneral Emilio Aguinaldo nang ipatapon sa Hong Kong noong 1897 at nanatili roon hanggang sa sumiklab ang Digmaang Filipino-Amerikano.
Nagbalik siya sa Filipinas, at namuno sa mga rebolusyonaryo sa La Union, Ilocos Norte, Abra, at Cagayan. Kasabay nito ang pagkahirang sa kaniya bilang tagapamunòng heneral ng mga rebolusyonaryo sa Hilagang Luzon.
Sumuko siya sa mga Amerikano noong 8 Mayo 1901 pagkaraan ng isang labanan sa Sinait, Ilocos Sur. Nahalal siyang gobernador ng Nueva Ecija noong 1907, at nahirang na direktor ng paggawa (1909) at direktor ng lupain (1913). Nagtamo rin siya ng tagumpay bilang negosyante.
Namatay siya sa sakit sa atay noong 22 Pebrero 1924 at inilibing sa Cabanatuan. Kadugo niya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Rolando Santos Tinio, pati ang atletang si Beatriz “Bea” Lucero.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Manuel Bondoc Tinio "