Sino si Kapitan Martin Cabagnot?


Isa sa mga pinuno ng hukbong Boholano laban sa mga Amerikano si Kapitan Martin Cabagnot at kinikilalang bayani ng Labanang Pasong Kabantian.


Walang karanasang militar si Martin ngunit isa siyang edukado. Mahusay din siya ng arnis, lalo na ang tinatawag na “dose pares” sa Bohol, at marahil ito ang pinagkukunan ng kaniyang husay sa taktika sa pakikipaglaban.


Sa rekord ng Digmaang Filipino-Amerikano, unang nabanggit siyá sa listahan ng mga nagpulong upang magtanggol sa mga Amerikano noong 10 Agosto 1900 sa bahay ni Fernando Reyes.


Sa listahan, kasáma siya ni Koronel Pedro Samson, Medyor Miguel Balmoria, Medyor Pantaleon del Rosario, atbp at may ranggong Kapitan. Napatunayan ang kaniyang pamumunò sa Labanáng Pásong Kabantìan noong 15 Setyembre 1900.


Noong umaga ng 14 Setyembre, nakatanggap ng mensahe si Kapitan Cabagnot na aalis ng Jagna papuntang Ubay ang isang pangkat ng mga Amerikano sa ilalim ni Kapitan Andres S. Rowan. Naisip ni Kapitan Cabagnot, magdadaan ang mga kaaway sa Pasong Kabantian, isang makitid na daang 100 metro ang habà, tatlong metro ang luwang, at nababakod ng matataas na talampas. Umaga pa lámang ng15 Setyembre ay nag-abang na sa Pasong Kabantian ang 200 pulutong ni Kapitan Cabagnot. Nag-ensayo pa silá kung paano lulukso sa talampas. Naglagay din silá ng lubid na ipaghaharang sa mga kaaway.


Dumating ang mga Amerikano sa bandang ikatlo ng hápon. Tulad ng plano, pinapasok ang mga kaaway sa páso at saká lumitaw ang tatlong Boholano bilang pain. Nang magpaputok ang mga Amerikano ay hinatak ni Kapitan Cabagnot ang lubid. Nabigla ang mga Amerikano pagdagsa ng mga lumuksong Boholano at may mga hawak na tabak.


Natapos ang labanan bandang ikapito ng gabi nang iwan ng mga Boholano ang mga patay o sugatang mga Amerikano. Labing-anim sa pangkat ni Kapitan Cabagnot ang namatay, 76 ang sugatan, ngunit nakasamsam sila ng 25 baril at mga kahon ng punglo. Ang Labanang Pasong Kabantian ang ikalawang matinding pagkatálo ng mga Amerikano bago napasuko ang mga gerilyang Boholano.


Sumuko si Kapitan Cabagnot kasáma ni Koronel Samson noong 1901. Nagtira siyá sa Sevilla at nagsaka. Di-nagtagal, lumuwas siyá ng Maynila upang mag-aral ng abogasya. Hindi siyá nakatapos. Sa halip, nagpunta siyá sa India, nag-aral ng pagmamasahe at hipnotismo, at nagbukás ng klinika sa Bohol. Hindi kumita ang kaniyang klinika kayâ nagpotograpo naman siyá.


Namatay siya noong 24 Setyembre 1971 sa Tagbilaran at inilibing sa Sevilla.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: