Ikalawang Republika ng Pilipinas


Ngayong araw, Oktubre 14, ay ginugunita ang ika-78 taon ng pagpapasinaya sa Ikalawang Republika ng Pilipinas, habang tayo ay nasa ilalim ng pananakop ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Nang umalis sa Pilipinas si Pangulong Manuel Luis Quezon, binuwag ng punong komandante ng hukbong Hapones sa Filipinas na si Masaharu Homma noong 1942 ang pamahalaang Commonwealth at itinatag ang pamahalaang militar at ang Philippine Executive Commission bilang kapalit, na binubuo ng mga dating opisyales ng Commonwealth.


Binuwag din ang lahat ng mga partido pulitikal at itinalaga ang Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas o KALIBAPI bilang otorisadong partido pulitikal sa bansa.


Noong Hunyo 1943, nangako ang Punong Ministro ng Japan na si Hideki Tojo na ipagkakaloob ng Japan ang kasarinlan ng ating bansa. Kaya nagbuo ang KALIBAPI ng isang Preparatory Committe for Philippine Independence, na siyang magbabalangkas ng bagong Konstitusyon.


Ika-25 ng Setyembre, 1943 nang ratipikahan ang bagong Saligang Batas para sa bagong itatatag na republika, at noong ika-14 ng Oktubre, pinasinayaan ang Ikalawang Republika sa isang makulay na seremonya sa Legislative Building sa Maynila, at nanumpa bilang pangulo ng bansa si Jose P. Laurel.


Ang Ikalawang Republika ng Filipinas ay maituturing na isang puppet state dahil bagamat si Laurel ang Pangulo, nasa kamay ng mga Hapones ang tunay na kapangyarihan ng Republika. Kinilala ng mga bansang Axis, partikular na ang Nazi Germany, ang legalidad at soberanya ng Ikalawang Republika ng Pilipinas.


Bilang Pangulo ng bagong Republika, hinawak rin ni Laurel ang tungkulin ng tatlong sangay ng pamahalaan, ang natatanging Pangulo ng bansa na gumanap ng ganoong tungkulin. Sa panahon ng pamumuno ni Laurel, hinarap niya ang mga problema ng bansang lugmok sa pananakop at pagpapahirap ng mga Hapones sa ating bansa, lalo na ang matinding taggutom. Tinangka ring paslangin si Laurel, pero nakaligtas siya rito.


Mungkahing Basahin: