pangulo ng pilipinas

Ang Pangulo ng Pilipinas ang pinunò ng estado at pinunò rin ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas. Pinamumunuan niya ang sangay tagapagpaganap ng gobyerno, pinangangasiwaan ang iba’t ibang kagawaran sa pamamagitan ng kaniyang gabinete, at tumatayông pangkalahatang pinunò ng sandatahang lakas ng Filipinas. May kapangyarihan siyáng humirang at mag-alis ng mga kalihim ng kagawaran at ibang hirang na opisyal sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Ang iba pang kapangyarihan at mga tungkulin ng Pangúlo ng Filipinas ay malinaw na nakasaad sa Saligang-Batas.


Sinumang mamamayang Filipino ay maaaring maging Pangúlo kung makakamit niya ang mga kalipikasyong itinakda ng Saligang-Batas. Maaari lámang maging Pangúlo ang isang Filipino kung siyá ay katutubong mamamayan; rehistradong manghahalal ng Filipinas; nakababása at nakasusulat; may gulang na hindi kukulangin ng 40 taón sa panahon ng halalan; at nakapanirahan sa bansa sa loob ng 10 taón bago kumandidato. Direktang halal ng mamamayang Filipino ang Pangúlo sa pamamagitan ng isang pambansang halalan. Ang isang kandidato sa panguluhan na nagkamit ng pinakamaraming boto ang hinihirang na bagong Pangúlo ng Filipinas. Ipinoproklama siyá ng pinagsanib na Kongreso ng Filipinas at pinasusumpa sa harap ng mamamayan. Ang Palasyo ng Malacañang ang kaniyang opisyal na tirahan at opisina. Ang kaniyang suweldo ay itinatakda ng batas at hindi maaaring bawasan o dagdagan sa panahon ng kaniyang panunungkulan.


Alinsunod sa Konstitusyong 1987, nagsisilbi ang halal na Pangúlo ng Filipinas sa loob ng anim na taón. Hindi na siyá maaaring mahalal muli pagkatapos ng kaniyang panunungkulan. Isang malaking pagbabago ito sa panahon ng panunungkulan noon ng Pangúlo na apat na taón at maaaring kumandidatong muli.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: