Ang Senado ang mataas na kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas.


Batay sa Saligang Batas ng 1987, bubuuin ito ng 24 senador na pamumunuan ng Pangulo ng Senado. Ang mga kasapi nito ay direktang halal ng mamamayang Filipino sa pamamagitan ng isang pambansang halalan.


Katungkulan ng Senado na gumawa ng batas at maglunsad ng mga imbestigasyong makatutulong sa pagbalangkas ng bagong batas o pagsususog sa mga umiiral na.


Mayroon itong 39 permanenteng komite at iba’t ibang pansamantalang komite. Ang buong kapulungan ng Senado ay nagsisilbing espesyal na pampolitikang hukuman kapag ang Pangulo ng Filipinas o mga Hukom ng Kataas-taasang Hukuman ay itiwalag (impeachment ang katawagan sa Ingles) ng Kapulungan ng mga Kinatawan.


Ang binhi sa pagtatag ng Senado ay sinimulan ng mga mananakop na Amerikano. Nang mapagtibay ang Batas Jones ng 1916, isinilang din ang unang Senado ng Filipinas na gumanap ng tungkulin bilang mataas na kapulungan ng Kongreso. Pansamantalang nabalam ang pag-iral ng Senado nang itatag ang Pamahalaang Komonwelt sapagkat ang Saligang-Batas ng 1935 ay nagtakda ng isang lehislaturang may isahang kamara.


Nang itatag ang malayang Republika ng Filipinas noong 1946, nanatiling umiiral ang Senado bilang mataas na kapulungan. Muling nilusaw ito sa Konstitusyong 1973 ngunit muling ibinalik makaraang maratipikahan ang Saligang-Batas ng 1987.


Ang mga sumusunod ay naging mga pangulo ng Senado:

  • Manuel L. Quezon (1916-1935), 
  • Manuel A. Roxas (Hul. 9, 1945-Mayo 25, 1946), 
  • Jose D. Avelino (May 25, 1946-Peb. 21, 1949), 
  • Mariano Jesus L. Cuenco (Peb. 21, 1949-Dis. 30, 1951) 
  • Quintin B. Paredes (Mar. 5-Abr. 17, 1952), 
  • Camilo O. Osias (Abr. 17-30, 1952 at Abr. 17-30, 1953), 
  • Eulogio A. Rodriguez, Sr. (Abr. 30, 1952-Abr. 17, 1953; Nob. 30, 1953-Abr. 5, 1963), 
  • Jose C. Zulueta (Abr. 30-Nob. 30, 1953), 
  • Ferdinand E. Marcos (Abr. 5, 1963-Dis. 30, 1965), 
  • Arturo M. Tolentino (Ene. 17, 1966-Ene. 26, 1967), 
  • Gil J. Puyat (Ene. 26, 1967-Set. 23, 1972), 
  • Jovito R. Salonga (Hul. 27, 1987-Ene. 1, 1992), 
  • Neptali A. Gonzales (Ene. 1, 1992-Ene. 18, 1993; Ago. 29, 1995-Okt. 10, 1996; Ene. 26-Hun. 30, 1998), 
  • Edgardo J. Angara (Ene. 18, 1993-Ago. 28, 1995), 
  • Ernesto M. Maceda (Okt. 10, 1996-Ene. 26, 1998), 
  • Marcelo B. Fernan (Hul. 27, 1998-Hun. 28, 1999), 
  • Blas F. Ople (Hun. 29, 1999-Hul. 12, 2000), 
  • Franklin Drilon (Hul. 12-Nob. 13, 2000 at Hul. 23, Hul. 23, 2001-Hul. 24, 2006), 
  • Aquilino Q. Pimentel, Jr. (Nob. 13, 2000-Hun. 30, 2001), 
  • Manuel Villar (Hul. 24, 2006-Nob. 17, 2010), 
  • Juan Ponce Enrile (Hul. 26, 2010).


Sa araw na ito, Setyembre 4, 2019, Si Senador Tito Sotto ang nakaupong Presidente ng Senado.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: