On
Ang halal ay mga bagay, pagkain, o kilos na pinahihintulutan ng batas ng Islam. Ginagamit ito partikular sa mga karneng makakain at pagpatay ng hayop sa paraang isinasaad ng naturang batas.


Ayon sa Koran, ang mga hindi maaaring kainin ng mga Muslim ay mga:

  • hayop na hindi kinatay sang-ayon sa batas ng Islam;
  • hayop na pinatay bilang alay sa ibang diyos;
  • baboy at produkto mula dito;
  • karneng mula sa patay na hayop bago pa ito katayin;
  • dugo at produktong mula dito;
  • ibong mandaragit; at
  • alkohol.


Isinasaad sa Koran na ang mga hayop ay kinakailangang irespeto at alagaan upang mapanatili ang balanse ng kalikasan. Isang paraan nito ang pagkatay sa mga hayop sa paraang nililimita ang paghihirap at sakit na mararamdaman ng mga ito.


Tinatawag na dhabihah ang pagkakatay na ito ng mga hayop. Gumagamit dito ng matalim na kutsilyo para sa isang mabilis at malalim na pagtusok at paghiwa sa mga ugat ng leeg at lalamunan habang iniiwan nang maayos ang gulugod.


Sinasaksak ang leeg upang patigilin ang daloy ng oxygen sa utak at mga ugat na tumatanggap ng kirot. Iniaalis ang dugo mula sa kinatay sa paraang walang matitira dito.


Ang Islamic Da’wah Council of the Philippines, Inc (IDCP) ang awtoridad na nangangasiwa at nagbibigay ng sertipikasyon at akreditasyon sa mga negosyo at produktong halal sa Filipinas sa ilalim ng G. R. No. 153888 na ipinatupad noong 9 Hulyo, 2003.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: