Saan matatagpuan ang Malacañang?


Ang Palasyo ng Malacañang (Ma·la·kan·yáng) ang opisyal na tahanan at opisina ng Pangulo ng Pilipinas. Sinisimbolo nito ang kapangyarihang pampanguluhan ng bansa. Matatagpuan ang Malacañang sa Kalye J.P. Laurel, San Miguel, Maynila at nakatayô sa pampang ng Ilog Pasig. Dito nanirahan ang lahat ng naging pinunò ng bansa mula kay Gobernador Heneral Rafael de Echague noong 1863, maliban kay Heneral Emilio Aguinaldo, hanggang kasalukuyan.


Ang malaking bahay-na-bato sa pampang ng Ilog Pasig ay ipinatayô ni Don Luis Rocha noong gitnang bahagi ng 1700. Si Don Rocha ay isang negosyanteng Espanyol at ang kaniyang bahay-na-bato ay ginamit na bahay-pahingahan.


Noong 16 Nobyembre 1802, ipinagbili ni Don Rocha ang bahay-na-bato kay Koronel Jose Miguel Formento sa halagang isang libong piso. Ipinagbili naman ng Koronel ang bahay sa pamahalaang kolonyal ng Espanya noong 22 Enero 1825 sa halagang limang libong piso. Ginamit na bakasyunan ng gobernador-heneral ang bahay-na-bato kung tag-araw.


Noong 1863, sinira ng isang malakas ng lindol ang palasyo ng gobernador heneral sa Intramuros. Kayâ nagpasiya ang pamahalaang kolonyal na gamitin ang Malacañang bilang opisyal na palasyo at tirahan ng pinunò ng kolonya.


Sinasabing ang pangalang Malacañang ay mula sa katagang “May lakan diyan” na nangangahulugang tirahan ito ng mataas-na-tao sa lipunan.


Marami ang ginawang pagbabago sa palasyo mula nang ito’y bilhin ng pamahalaang kolonyal ng Espanya. Niluwangan ang azotea, nagtayô ng mga bagong gusali sa paligid, at pinaganda pa ang hardin.


Pinalaki naman ng mga Amerikano ang nasasakupang lupain ng palasyo at nagtayô rin ng bagong gusali. Nanirahan sa Palasyo ng Malacañang ang labingwalong gobernador-heneral ng Espanya at labing-apat na gobernador sibil ng Estados Unidos.


Si Pangulong Manuel L. Quezon ang unang Filipinong pinunò na nanirahan dito noong 1935.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr