Bahay-na-Bato
Gayunman, kahoy ang mga haligi, sahig, at dingding ng pang-itaas na palapag at karaniwang tisa ang bubungan. Malimit na kahoy din ang hagdan at kahoy ang mga muwebles sa loob ng bahay.
Tinatawag din itong “bahay na kolonyal” dahil may pangkalahatang estruktura ng bahay mariwasa sa Espanya at pinalaganap sa mga kolonya nito.
Gayunman, iginigiit ng mga makabayang arkitekto ngayon ang bahay-kubo bilang pangkalahatang huwaran ng estruktura ng bahay-na-bato gayundin ang inilakip na mga katutubo Asyanong sangkap sa paglikha ng tinatawag naman nilang “tropikong baroko” (“tropical baroque”).
Nagdudulot ng ganap na proteksiyon ang mga dingding na bato sa pangibabang palapag ngunit hindi ito bahagi ng pangkalahatang estruktura na nakasandig sa mga haliging kahoy at sumasalo sa kabuuang bigat ng sahig hanggang bubong ng pang-itaas na palapad.
Sa gayon, kapag inalis ang dingding na bato, ang báhay-na-bato ay katulad sa maraming paraan ng isang bahay-kubo na pinalaki at ginawang bato ang silong.
Ang pang-ibabang palapag ay karaniwang bodega ng pamilya, garahe ng karwahe at karo ng santo, kabalyaresa, kamalig ng bigas at ibang pagkain, at silungan ng mga kutsero, hardinero, kusinera, at ibang katulong.
May tarangkahan itong matigas na at de-abaniko ang mga pinto, nasasahigan ng batong silyar, at may malinis at maluwang na pasilyo patungo sa malaking hagdan, na may siko o hugis ispayral patungo sa pang-itaas na palapag.
May maliit na sala sa dulo ng hagdan, tinatawag na kaida (caida), at pansamantalang estasyon sa bisita. Pambungad din ito sa maluwang na sala real na maaaring pagtipunan ng 50 o mahigit na panauhin at karaniwang nakaugnay sa komedor na may mahabàng mesa.
Ang kabuuan ng pangitaas na palapag ay nilalagyan ng mga naititiklop na partisyon para sa mga silid, pinamalaki ang silid ng senyor at senyora, at alinsunod ang bilang sa kapritso ng may-ari.
Antigo at matigas na kahoy ang gamit sa buong kabahayan. Ang mga dingding ay nahihiyasan ng mga maluwang at mataas na durungawan.
Kapis ang tatlo-apat na panel ng bintana. Sa ilalim ng pasamano, may bentanilya na binubuo ng kahoy o bakal na barandilya sa labas at dalawang uri ng durungawan sa loob, isang detiklop na persiyana at isang islayding na panel.
Ang kabuuang disenyo ay naglalayong magpahintulot ng pagdaloy ng liwanag at hangin sa loob.
May karatig na asotea upang magpahangin at magmasid ng hardin. Karugtong ng komedor ang kusina at ang kongkretong batalan na may paliguan at may butas para sa pagtataas ng tubig mula sa balon.
Para sa dagdag na impormasyon, basahin ang paglalarawan ni Rizal sa bahay ni Kapitan Tiago sa unang kabanata ng Noli me tangere.
Bumisita din sa Museo ng De La Salle Dasmariñas na isang rekonstruksiyon ang itaas ng bahay-na-bato, pati mga antigong muwebles at dekorasyon, sa Pampanga, gayundin sa mga heritage house sa Vigan, Malolos, San Miguel (Bulacan), Casa Gorordo (Cebu), at Bohol.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bahay-na-Bato "