Ang kamalig ay tradisyonal na estrukturang ginagamit na imbakan o lagakan ng mga ani ng mga magbubukid, katulad ng palay, mais, at tabako.


Ang karaniwang itsura nito ay may bubong na puwedeng yari sa nipa o yero, maliit na pinto, at may apat na mabababang poste. Kawayan o tabla ang dingding, at kaiba sa ibang bahay dahil sa matatag na pagkakayari. Wika nga, narito ang yaman ng pamilya.


May maliit na bintana ito na binubuksan lamang kung kailangan. Matibong at hugis letrang “A” ang disenyo ng bubong para sa mainam na sirkulasyon ng hangin sa loob, lalo na’t para sa patuloy na pagpapatuyo ng inimbak na ani.


Katutubo ang kamalig at bunga ng pangangailangang itago at ingatan ang labis na ani ng isang komunidad ng magsasaka. Isang katunayan ang katutubong katawagan para dito sa maraming pangkating pangkultura sa Pilipinas.


Matatagpuan sa UP Diksiyonaryong Filipino ang sumusunod na singkahulugan: agamang (Igo), kurob (War), sarusar (Ilk), taklob (Bik, Hil, Seb, Tag, War), arang (Ifu), tambobong (Bik, ST), alang (Isn), bangan (Kap, Tag), dapa (Seb), ulobo (ST).


May mga kamalig na kongkreto ang dingding at tisa ang bubong sa gilid o likod ng mga bahay-na-bato. Maituturing ding pamanang pangkultura ang ganitong kamalig.


Samantala, lumiliit ang tingin dito ng modernong Filipino dahil higit nilang napagpapakuan ng pansin ang dambuhalang bodega at warehouse at naiimbakan ng higit na samot-saring produkto ng malalaking kompanya’t pabrika.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: