Bantog ang boras na ginagawa sa ilang barangay sa Simunul. Karaniwang ilarawan itong banig na pampalamuti sa dingding at gawa sa nilalang yantok. May lapad itong 4-5 talampakan at habang 8-20 talampakan.


Tradisyonal na ginagamit itong tabing sa bintana o sapin sa sahig kapag may importanteng okasyon. Ang maliliit ang súkat ay ginagamit ding sapin sa pananalangin sa masjid.


Ang tradisyonal na boras ay nilalagyan ng mga disenyo sa pamamagitan ng pagsunog sa yantok gamit ang nagbabagang uling. Pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may nagsimula sa paggamit ng pinturang enamel para lagyan ng heometrikong disenyo ang mga boras.


Naging komplikado ang ipinipintang disenyo hábang nagtatagal. Noong 1957, ipinasok diumano ni Hadji Idarus ng Tungusung, Simunul ang pagpipinta sa boras ng mga tanawin sa Mecca at Medina na kinopya sa mga iniuwi niyang print mula sa hadj.


Naging tradisyon din sa Simunul ang magkahating tungkulin ng mga lalaki at mga babae sa paggawa ng boras. Mga lalaki ang lumalala ng banig na yantok. Mga babae naman ang nagpipinta.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: