Ang botanikong pangalan ng tabako ay Nicotiana Tabacum. Ito ay kabílang sa pamilya ng mga halamang Solanaceae. Ang mga dahon nitó ay katamtaman ang laki at kulay berde. Ito ay tumataas ng hanggang dalawa at kalahating metro at may bulaklak na bahagyang kulay rosas.


Ito ay isang produktong pang-agrikultura. Lahat ng bahagi nitó ay may taglay na nikotina at hábang gumugulang ang halamang ito ay lalong tumataas ang konsentrasyon ng nikotina. Ang mga dahon nitó ang nagagamit at maaari ding kainin. Ginagamit itong sangkap sa gamot at sangkap sa pamuksa ng peste.


Sa ngayon, ito ay nagagamit bilang panlibang na gamot para sa ilan sa pamamagitan ng paggawa ditong sigarilyo, pagnguya, at pagsinghot ng usok mula dito. Ang dahon nitó ay nagagamit namang panlunas sa ubo at hika. Kadalasan, ginagamit din ito bilang panlunas sa sakít sa balat at kasukasuan.


Ang mga pinatuyong dahon nito ay pangunahing sangkap sa paggawa ng sigarilyo.


Ang nasisinghot na usok mula dito ay maaaring makaadik. Ang dami at bilis ng pagkonsumo ng nikotina ay direktang nakaaapekto sa pag-iisip ng gumagamit nitó at maaaring magdulot ng adiksiyon. Kahit ang kaunting dami nito ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo at pagbilis ng tibok ng puso. Kapag marami naman ang paggamit, maaaring dumeretso sa utak kayâ nararapat na limitado ang paggamit nitó.


Ang tabako ay isang taunang halaman at inaani sa malawakang lupain. Dahil sa sistemang monopolyo na pinairal noong panahon ng Espanyol, isa ang tabako sa pinahintulutang itanim sa maraming pook sa Luzon.


Hanggang ngayon, may mga bukirin sa Ilocos at Cagayan na taniman ng tabako. Ang mga buto nito ay itinatanim nang deretso sa lupa. Matapos anihin ito, itinatabi ito upang unti-unti itong ma-oxidize. Pagkaraan ay iniempake para sa susunod na hakbang sa pagproseso nito.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: