Kalaso
Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantiko, Indian, at Pasipiko, mula Red Sea at silangang bahagi ng Aprika (maliban sa Kenya), kasama ang Madagaskar hanggang Persian Gulf, dagat ng Arabia, hanggang sa silangan at timogsilangang Asia at Australia.
Kalimitan ay nasa dagat ito, at madalang sa tubig na bahagya ang alat. Maliliit at hugis silindro ang katawan. Ang palikpik ay walang tinik at ang malaking bibig ay puno ng payat at matalas na ngipin, maging sa may dila.
Ang kalaso ay naglalagi sa mapuputik na bahagi ng dagat, sa may lalim na 10-60 metro. Kumakain ito ng isdang tulad ng dilis at banak, krustaseo, at pusit.
Maraming uri ng kalaso at 13 espesye ang naitala sa Filipinas. Ang karaniwang uri ay Saurida tumbil. Ang katawan ay hugis sigarilyo, pabilog, at medyo siksik. Ang ulo ay patulis at pikpik at ang nguso ay mas malapad kaysa haba nito.
Kulay kayumanggi sa itaas ng katawan at pilak sa ibabâ at ang likod ay may maputlang mga linya. Ang dulo ng palikpik sa likod at pektoral at ilalim ng palikpik sa buntot ay kulay itim. Ang pinakamalaking naitala ay 60 sentimetro.
Ang isa pang espesye ng kalaso ay Saurida undosquamis na matatagpuan sa silangang bahagi ng dagat ng India, peninsula ng Malay at timog ng Pilipinas, hilaga ng Java, at kalahati ng hilaga at timog-kanluran ng Australia.
Ang nguso ay pabilog. Ang kulay ay mala-abong kayumanggi sa itaas at kulay-gatas sa ilalim na may 8 hanggang 10 maitim na marka sa gitna ng tagiliran. Ito ay may karaniwang habà na 30 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 50 sentimetro. Ito ay nangingitlog mula Abril hanggang Mayo sa Japan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kalaso "