Tinutukoy ng kayumanggi ang kulay ng balat ng nakararaming Filipino kung kaya’t ginagamit din ang salitang ito para tukuyin ang mismong mga katutubong Filipino.


Nalalapit sa kulay ng kape, lupa, o hindi kaya’y mani ang kulay na kayumanggi.


Sa ibang mga wika sa Filipinas, tinatawag itong bulew (Tiboli), ilom (Hiligaynon), itumon (Waray), kapega (Maranaw), kawsun (Tausug), at tabunon (Sebwano at Hiligaynon). Tinatawag naman itong morena/moreno o avellana sa wikang Espanyol.


Ilan sa mga katutubong mito ang nagpapaliwanag ng pinagmulan ng kulay ng balat ng liping Filipino.


Sa alamat sa Kabisayaan na kinatatampukan ni Pandaguan, isa sa mga anak ng unang babae at lalaki sa mundo, ipinapaliwanag ang mga pagkakaiba ng kulay ng balat ng tao sa pamamagitan ng migrasyon: Ang mga nagtungo sa hilaga ng mundo ay nanatiling maputi (gaya ni Arion na anak ni Pandaguan); naging kayumanggi naman ang balat ng mga nagtungo sa timog dahil sa init ng sikat ng araw roon (gaya nina Libo at Saman na kapuwa kapatid ni Pandaguan); at, naging dilaw naman ang kulay ng mga nagtungo sa silangan, sapagkat napilitan silang kumain ng dilaw na luad dahil sa gutom.


Naipamamalas naman sa isa pang alamat ang pagpapahalaga ng mga Filipino sa sariling kulay. Diumano’y noong nililikha pa lamang ni Bathala ang mundo at mga nilalang, hulí niyang nilikha ang mga kayumanggi kung kaya’t hindi kapos at hindi sobra sa kulay ang mga ito, hindi tulad ng mga nauna niyang nilikhang tao na kulang sa kulay tulad ng mga puti, o labis ang kulay na tulad ng mga itim.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: