Kamagong
Ang puno nito ay makapal, matigas at natatangi sa maitim nitong kulay. Tinatawag din itong iron-wood dahil sa tibay nito. Ang puno nito ay tinatawag na kamagong at ang prutas naman nito at tinatawag na mabulo. Ang dahon nito ay parang balat, hugis itlog, at may habàng 20 sentimetro.
Ang puno ng kamagong ay lumalaki ng hanggang 33 metro ang taas. Nabubuhay ito sa iba’t ibang klase ng lupa ngunit nangangailangan ito ng sapat na ulan sa buong taon. Ang butong itinanim mula dito ay mamumunga sa loob ng anim hanggang pitong taon.
Ang balat ng prutas ng kamagong ay kulay pula hanggang kulay lupa, pino, at makinis. Mayroon itong mga buhok na dapat alisin bago kainin upang maiwasan ang pangangati ng bibig at lalamunan. Dahil sa mga buhok nito, tinawag itong “mabulo” na ang ibig sabihin ay mabuhok.
Ang laman nito na nakakain ay malambot, makrema, at kulay rosas. Ang amoy ng prutas nito ay masangsang na maihahalintulad sa amoy ng nabubulok na keso o dumi ng pusa. Nagmumula ito sa balat nito. Mayaman ito sa calcium, iron, at bitamina B.
Ang pinaglagaan ng dahon at balat ng puno ng kamagong ay mabisang lunas sa mga sakit sa balat. Maaari itong inumin o isama sa tubig na pampaligo. Ang pinaglagaan din ng balat ng kahoy ay ginagamit na lunas ng mga taong may ubo.
Ang kamagong ay itinuturing na nanganganib nang mawala kaya pinoprotektahan na ito ng batas ng Pilipinas. Kakailanganin ang permiso ng Kawanihan ng Paggugubat at Kagawaran ng Kaligiran at Likas na Yaman kapag maglalabas ng puno nitó sa Pilipinas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kamagong "