Akasya
Ang akasya (order Fabales) ay isang uri ng puno na nabubuhay sa mga tropiko at maiinit na lugar.
Ang pangalan nitong “akasya” ay nagmula sa salitâng Griyego na akis o tinik. Ang kakaibang katangian ng akasya ay ang pagkakaroon nito ng mga maliit at pinong dahon. Sa mga tuyong lugar, hindi sapat ang kaunting dahon upang mabúhay ang isang malaking punò ng akasya, kayâ’t ang mga sanga ang nagsisilbing tila mga dahon na gumagawa ng mga gawain nitó.
Pahiga ang oryentasyon ng mga dahon nito na nagsisilbing proteksiyon ng punò laban sa matinding sikat ng araw. Kapansin-pansin din ang mababangong bulaklak na kulay dilaw, pulá, o lila depende sa lugar na pinagmulan nitó. Lulan nitó ang maliliit na buto na may kabagalan ang pagsibol.
Inilalahok ang mga parte ng akasya sa paggawa ng mga pagkaing ipinoproseso, tulad ng beer, cola, at mga inuming nagbibigay enerhiya. Ang mga buto ng akasya ay iniluluto upang gawing pampalasa. Ginagamit din ang akasya sa paggamot ng mga sakit na tulad ng rabies.
Maganda ang kahoy ng akasya kayâ ginagamit ito na materyales sa paggawa ng mga kagamitan sa bahay na tulad ng mesa, papag, at upuan. Sa Indonesia, ginagamit ang akasya sa paggawa ng papel. Ang kagandahan ng mga hibla nitó ang nagpapalambot sa mga papel na ginagamit sa pagggawa ng Bibliya, diksiyonaryo, at ensiklopidya. Nakakapagpalambot din ito sa paggawa ng mga tisyu.
Dahil sa magaganda nitóng mga bulaklak at makikintab na dahon, ginagamit din itong halaman na pandekorasyon, lalo na sa mga lugar pasyalan. Ang iba naman ay gumagawa ng pabango mula sa mga bulaklak. Sa Ehipto, tinatawag ang punò ng akasya na punò ng buhay. Ginagamit nila ito sa iba’t ibang ritwal, tulad ng pagpapaalis ng masamâng espiritu.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Akasya "