Ang puno ng abokado
Lumalaki nang 12 sentimetro ang mga dahon at pasalit-salit ang pagkakaayos sa tangkay. Tumataas ang puno hanggang 20 metro. Kulay dilaw ang maliliit na bulaklak nito. Kapag malakas ang hangin, natutuyo ang mga ito.
Ang hugis itlog na prutas ng abokado ay may laking 7-20 sentimetro at bumibigat hanggang isang kilo. Mayroon itong isang buto. Inaani ang mga prutas nang hindi pa nahihinog.
Nakaaani ng pitong toneladang abokado bawat ektarya ng taniman. Ang pamumunga nang dalawang beses sa isang taon ay hindi nakabubuti para sa mga susunod na produksiyon. Mabuting anihin ang bunga ng abokado kapag mayroon na itong hanggang 23 porsiyentong tuyong laman.
Madalas na nilalagyan ng ethylene ang prutas ng abokado na hindi pa nahihinog bago dalhin sa pamilihan upang pabilisin ang paghinog at pagbebental nito. Kapag madami ang bunga ng abokado, iniiwan sa puno ang mga bungang sobra sa káyang ipagbili.
Magandang katangian ng abokado ang kakayahan nitóng mapanatili ang prutas sa puno nang hindi nabubulok sa loob ng ilang buwan. Nakababawas ito sa pagkalugi ng magsasaka matapos ang panahon ng anihan.
Ikinakalakal ang prutas ng abokado sa iba’t ibang bansa sa mundo dahil sa mabubuting gamit nito. Masustansiya ang prutas ng abokado. Ang 100 gramo nito ay mayroong 35 porsiyentong potassium na higit kaysa prutas ng saging. Mayaman din ito sa bitamina B, E, at K. Ang himaymay nito ay nakapagpapababa ng cholesterol. Mabisang lunas din ito sa mga sakit tulad ng allergy at panlaban sa pagkakaroon ng cancer.
Hindi lahat ng tao ay maaring kumain ng abokado. May dalawang uri ng allergy sa pagkain ng abokado. Ang isa ay ang sakit sa bibig at lalamunan na mararanasan ilang minuto lamang matapos kumain ng abokado. Ang isa pa ay pagsusuka at pagsakit ng tiyan.
Nakalalason sa mga hayop na tulad ng pusa, áso, báka, kambing, kuneho, daga, ibon, isda, at kabayo ang pagkain ng dahon, balát ng sanga, at ubod ng abokado. Maaari itong makaapekto sa sistema ng katawan ng hayop o maging sanhi ng kamatayan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang puno ng abokado "