Atis
Ang atis (Anona squamosa Linn.) ay isang maliit na puno na may taas na 3 hanggang 5 metro. Ang dahon nito ay hugis pahaba na 8-15 sentimetro ang haba. Namumulaklak ito sa pagitan ng mga dahon at tangkay na may habang 2.5 sentimetro at nagkukulay berde hanggang dilaw.
Ang prutas nito ay may iba’t ibang hugis at laki. Kalimitang bilog o hugis puso. Ang labas ng prutas ng atis ay maraming buko na maliliit at magaspang. Malalamang hinog na ang prutas kapag ang kulay ng balat nito ay nása pagitan ng dilaw at berde. Ang laman ng atis ay maputî, matamis, malambot, at makatas na may masarap na lasa. May matamis din itong amoy.
Ang atis ay galing sa Amerika at dinala ng mga Espanyol sa Filipinas. Ngayon, ito ay nililinang na sa buong bansa. Kinakain din ng ibong kabag ang atis kaya madalî itong kumalat sa iba’t ibang lugar dahil sa nalalaglag na mga buto nito.
Ang puno ng atis ay tumutubo kahit saan maghulog ng buto nito. Mabilis din itong lumaki. Katunayan, mahigit isang taon lang mula sa pagkakatanim ng buto nito ay maaari na itong mamunga.
Tatlong beses sa isang taon kung mamunga ito pero ang pinakamagandang bunga nito ay tuwing tag-init. Dahil gusto ito ng mga kabag at ibon, kailangang anihin ang bunga nito bago ito mahinog sa puno at upang makapag-ani ng magandang mga prutas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Atis "