On
Uri ito ng malambot na keso na gawa sa sariwang gatas ng kalabaw at hinaluan ng suka at asin.


Pinagsasama ang gatas, suka, at asin, pinakukuluan, at hinahalo hanggang lumapot at mabuo. Ang namuong kesong putî ay hinihiwa nang pira-piraso at ibinabalot sa dahon ng saging. Madalî itong masira at maaari lámang imbakin nang isa o dalawang araw sa loob ng repridyereytor.


Ang mainam na kesong putî ay dapat na puti ang kulay, walang amoy, at may sariwang lasa na hindi gaanong maalat at hindi gaanong matubig.


Karaniwan itong palaman sa pandesal bagaman ipinapahid ngayon sa wheat bread at French bread. Kapag tinosta ang tinapay, humuhulas ang keso at katakam-takam na tila mozzarella.


Ang sandwits na may kesong putî ay masarap na agahan kasabay ng malamig at sariwang gatas.


Pinakapopular ngayon ang kesong puti mulang Laguna bagaman may industriya nito sa ilang pook sa Bulacan, Samar, at Cebu.


Nagtatagal ang uring komersiyal at nakapaketeng cottage cheese sa groseri. Hugis kuwadrado/rektanggulo ang prodyus sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: