Karinderya
Isa pang katawagan sa karinderya ang karihan mula sa “karĂ,” ang iba’t ibang pagkaing Filipino na iniluluto sa bahay o tindahan upang ipagbilĂ sa alinmang pook na matao.
Sinasabing nagsimula ang mga karinderya bilang hintuan ng mga debotong nagugutom at nauuhaw noong siglo 19. Bago nagkaroon ng tren sa bansa noong mga taong 1900, ang lugar ng Cainta ang pinagbababaan ng mga deboto patungong Antipolo tuwing Mayo matapos silang mamangka. Pag-akyat ng bundok ay inililipat sila sa mga kabayo o duyan. Dahil dito, tinubuan ng mga karinderya at tindahan ang hintuan sa Cainta.
Nang maging malimit ang biyahe ng tren, ang Taytay ang naging simula ng paglalakbay. Dumami rin ang mga tindahan ng pagkain sa mga daanan at hintuan ng mga deboto sa naturang lugar. Ang mga tindahang ito ay gawa sa kawayan at mayroong iba’t ibang klase ng putaheng gaya ng adobo, eskabetse, inun-on, sinigang, nilaga, ginamos, uga, tinola, inihaw na manok.
Ang ganitong maliit na tindahan ng pagkain ang patuloy na nagsisilbi ng murang putahe sa mga sulok at gilid ng lansangan sa lungsod para sa mga ordinaryong mamamayan. Sa maraming bayan sa lalawigan, ito na ang itinuturing na restoran at hintuan ng mga bus at trak. Malimit na sa ganitong karinderya matatagpuan ang ipinagmamalaking lutuin sa isang pook.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Karinderya "