Turo-Turo
Ang pagturo ay isang paraan ng pagpilì sa mga gusto mula sa hanay ng mga tindang pagkain o sangkap ng pagkain. May tinderong naglalako ng meryendang kakanin at maaaring ituro kung alin ang gustong puto.
May ponda ng haluhalo kung tag-init at maaaring ituro ng gustong mga halò. May puwesto ng isaw o pisbol at maaaring ituro ang gustong sawsawan.
May tindahan ng tanghalian sa bangketa o palengke at maaaring ituro ang gustong ulam. Ngayon, may mga restoran na turô-turô ang tawag sa kanilang smorgasbord o buffet, lalo’t mga lutuing Filipino ang nakahanay sa hapag.
Isang matandang negosyo ang turô-turô. May mga print noong ika-19 siglo si Carl Johann Karuth na naglalarawan sa mga vendor ng pansit, kakanin, at tinapay sa tabing-daan at lilim ng punongkahoy.
Sa probinsiya, isang karaniwaang tanawin ang mga tindahang may nakatanghal na mga palayok o kaldero ng ulam para sa mga kapitbahay na natatamad magluto at para sa mga nagdaraan at gutóm nang biyahero. Maaari itong ipabalot o to go. Maaari ding umupô sa bangkô nang nakatalikod sa lansangan at doon lantakan ang adobo, paksiw, o laing na itinuro.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Turo-Turo "