On
Ang tinapay ngayon ay katumbas ng pan sa Espanyol o bread sa Ingles at tumutukoy sa anumang pagkaing arina na inihurno at pinaalsa. Ngunit mula ito sa isang katutubong salita, ang tapay, na tumutukoy sa isang kimpal ng kanin na ginagawang pangasi (alak mula sa bigas). Mula rin sa tapay ang tapayan o malaking banga na pinagbuburuhan ng pangasi.

Pinakapopular na tinapay at halos kakompetensiya ng kanin ang pandesal. Sa kabila ng malakas ding benta ng pan amerikano (bread loaf) ay pandesal pa rin ang almusal ng taganayong nagtitipid at walang bigas.

Kung may pandesal, may panaderya o pagawaan at tindahan ng tinapay. Dito mabibili ang iba pang tradisyonal na tinapay ng bayan:
  • pan de-limon o pan de-letse,
  • monay,
  • mamon,
  • biskotso,
  • galyetas,
  • sinampalok, at kung minsan, ang mas espesyal na
  • ensaymada.

Sa malalaking panaderya sa Iloilo o sa Quezon, nakagarapon o nakabalde ang oháldres, bróas, meréngge, barkílyos, at iba pang bagong tinapay. Dinadayo ang inípit ng Malolos. Higit namang ninanais ang lutong bahay na empanáda para sa mas manipis at malutóng na masang pabalát at mas katakam-takam na palamán.

Espesyal at itinuturing pang milagroso ang sanikulas na ipinangalan kay San Nicolas ng mga Pampanggo. Na katulad din ng ginawa sa arara sa Pakil kapag pista ng Birhen ng Turumba. Kinortehan ang tinapay na imahen ng Birhen at kinakain ng mga deboto pagkatapos magsayaw at sumigaw ng: “Turumba! Turumba!/ Marianga!/ Matuwa táyo’t magkanta!/ Sumayaw ng Turumba.”

Hindi naman maipagkakaila na inaagawan ng kliyente ang tradisyonal na tinapay ng inihatid ng Amerikanisasyong mga donat, cookies, pies, at fruit cakes.

Pinagmmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: