On
Isang paboritong tinapay na gawa sa arina, tubig, asukal, itlog, mother dough, at espesyal na mantika ng baboy ang ensaymada.


Ang hulĂ­ng sangkap na nabanggit ang sinasabing nagbibigay ng pambihirang kalidad ng minasang arina kapag naluto na.


Mula pa sa pagluluto ng mga Espanyol tatlong siglo na ang nakararaan, ang ensaymada (o ensemada) sa panahon ngayon ay may iba’t ibang bersiyon alinsunod sa mga sangkap, sa hugis, at sa pang-ibabaw na dekorasyon.


Sa mga sangkap, bukod sa orihinal na mga sangkap na nabanggit sa itaas, ngayon ay ginagamitan ito ng iba’t ibang sangkap na ipinapalaman, katulad ng tsokolate at butter cream.


Sa hugis, ang pangkaraniwan ay bilog, maliit at malaki (mayroon hanggang 12 pulgadang diyametro); mayroon na ring parisukat at parihaba.


Sa pang-ibabaw na dekorasyon, bukod sa orihinal na mantekilya at asukal, espesyal na ang binudburan ng keso o tsokolate. Ang ensaymadang Malolos ay may mga hiniwang itlog na pula.


Sa lahat ng bansang sinakop ng Espanya katulad ng Filipinas at mga teritoryo sa Latin Amerika, popular na kinakain ang ensaymada sa meryenda o sa almusal man kasama ang mainit na kape o tsokolate.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: