Pan Amerikano
Pan Amerikano
Ang pan amerikáno (“tinapay na amerikano”) ay tinapay na tila unan ang hugis at madalîng hiwa-hiwain sa maninipis na bahaging hugis parisukat. kasunod sa pandesal, maaaring ito ang ikalawang pinakatanyag na tinapay sa bansa. Tinatawag din itong ”pandiunan,” sliced bread, flat bread, pullman loaf, at Tasty, mula sa sikat na brand ng pan amerikano sa Pilipinas. Tiyak na lumabas ito sa panaderyang Filipino noong panahon ng Amerikano kayâ gayon ang naging pangalan.
Gawa sa putîng arina ang tinapay. Paboritong itong gamitin para sa sandwich: dalawang piraso ng pan amerikano ang nilalagyan ng palaman sa gitna. Kinakain ito sa kahit anong oras ng araw—bilang agahan, meryenda, baon sa paaralan o trabaho, o kahit tanghalian at hapunan kung nagdidiyeta ka!
Samot-sari ang pan amerikano na ibinebenta sa mga panaderya at supermarket. May mga gawa sa maliliit na panaderya, may mga imported. Mayroong may kasámang pampalasa, o kayâ naman ay may mga nakapaloob na pasas o butil ng tsokolate. Mayroong simple ngunit malinamnam kahit walang palaman. May mga uring dinadagdagan ang sustansiya. Masarap ipalaman sa pan amerikano ang keso, mantekilya, margarina, peanut butter, chocolate spread, at mga uri ng jam. Ipinapalaman din ang gulay, kamatis, itlog, hotdog, sausage, corned beef, hamon, bacon, at corned tuna.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Pan Amerikano "